KINUMPIRMA ng Department of Health (DoH) ang lokal na transmission ng mas nakahahawang Omicron subvariant BA.2.12.1.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na tatlo pang kaso ng Omicron BA.2.12.1 subvariant ang naitala sa bansa, dahilan para pumalo na ang kabuuang kaso sa 17.
Sa tatlong bagong kaso, dalawa ang lokal na kaso at isa ay isang returning Filipino, na kapwa naitala sa Western Visayas.
Iginiit naman ni Vergeire na wala pang community transmission ng subvariant.
Noong isang linggo, iniulat ng DoH ang 14 na kaso ng Omicron BA.2.12.1 subvariant.
Sa 14 na kaso ng Omicron subvariant, 12 ay nagmula sa Puerto Princesa City, samantalang dalawa sa Metro Manila.