IGINIIT ngayong Martes ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na wala pang dahilan para isali ang mga bata sa mga mababakunahan kontra coronavirus disease (COVID-19) sa kabila nang pagdami ng mga kabataang tinatamaan ng virus.
Sinabi ni Vergeire na prayoridad pa rin na mabakunahan muna ang lahat ng mga nasa tamang edad bago ikonsidera ang mga bata.
“Ang rekomendasyon po ng ating mga eksperto ay hindi po muna bakunahan ang ating mga kabataan dahil ito po ay makakaapekto sa supply ng iba pang priority groups kagaya ng ating senior citizens,” sabi ni Vergeire.
Idinagdag ni Vergeire na nasa 0 hanggang one percent pa rin ang mortality rate ng mga batang nagpopositibl sa COVID-19.
“Cocoon strategy at pagbabakuna ng vulnerable adults ay makakapagbigay po ng proteksiyon sa ating mga kabataan,” idinagdag ni Vergeire.
Nangangahulugan ang cocoon strategy ng pagbabakuna ng lahat ng mga nakakatanda sa bahay ay bakunado para mas mababa ang tiyansa na magka-COVID ang mga bata, ayon kay Vergeire.
“Kung tayo pong mga matatanda sa bahay ay protektado gamit ng mga bakuna at palagiang sumusunod sa ating minimum public health standards, tayo po mismo ang magsisilbing proteksiyon sa ating mga kabataan sa loob ng bahay laban sa COVID-19,” aniya.