HINDI napigilan ng dalawang-linggong
enhanced community quarantine ang pagdami ng tinamaan ng Covid-19, ayon sa Department of Health.
Sa briefing, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na base sa pagtataya ng ahensya, tataas pa ang bilang ng mga bagong kaso kaya kailangan mag-ingat ang publiko.
“Pag tiningnan natin ang ating mga projections, mukhang tataas pa rin po talaga ang mga kaso sa mga susunod na araw kaya dapat talaga ‘yung paghahanda ay nandiyan pa rin,” ani Vergeire.
Inamin ng opisyal na hindi halos napigilan ng dalawang linggong ECQ ang pagkalat ng virus sa Metro Manila at mga kalapit na probinsya.
“Noong nag-usap po ang ating mga eksperto kasama ang ating iba’t ibang ahensya on data analytics, nakita natin na ito pong ginawa nating ECQ, compared to our previous ECQs, parang hindi magkakaroon ng malaking dent o epekto sa mga tumataas na kaso dahil ang dami na pong modifications,” ani Vergeire.
Base sa pagtataya ng DOH, aabot pa sa 66,000 bagong kaso ang madadagdag sa listahan hanggang sa katapusan ng buwan.