MULING nagbanta si Pangulong Duterte sa mga hindi bakunado na siya mismo ang magbabakuna sa kanila kung patuloy na magmamatigas na mabigyan ng proteksyon kontra coronavirus disease (Covid-19).
“For those who are not yet vaccinated, paki ano lang, pakibakuna lang. Kasi ‘pag hindi, ako ang pupunta diyan sa inyo, ituturok ko ‘yang bakuna sa tainga mo, palusutin ko doon sa kabila,” sabi ni Duterte.
Idinagdag ni Duterte na malaya ang mga papalag sa kanyang gagawin na maghain ng kaso laban sa kanya sa International Criminal Court (ICC).
“Iyan ang dapat sa inyo eh. Magdemanda kayo? Demanda kasi ‘yung ICC naghihintay nang marami pang anong — kung anong sabihin tutal hindi naman ako…,” ayon pa kay Duterte.
Sinabi naman ni Acting presidential spokesperson Karlo Nograles na nais lamang bigyang diin ni Duterte ang kahalagaan ng pagbabakuna.
“Kailangan magpabakuna na po iyong mga unvaccinated. Napakaimportante po niyan para kay Pangulong Duterte at para sa kaniyang administration at para sa pamahalaan at para sa ating komunidad, at para sa tagumpay po natin against COVID-19,” sabi ni Nograles.