IGINIIT ni presidential spokesperson Harry Roque na mismong si Pangulong Duterte ang nag-utos na huwag isapubliko ang bakunang gagamitin sa mga vaccination sites.
“Unang-una, si Presidente po ang nag-utos niyan dahil nakita nga po niya ang kawalan ng social distancing doon sa ilang lugar kung saan in-announce ang pagbabakuna ng Pfizer ‘no,” paliwanag ni Roque.
Kahapon ay sinabi ng Department of Health (DoH) na hindi na ihahayag ang brand ng bakuna na gagamitin sa jab sites para maiwasan ang pamimili ng mga nais maturukan ng vaccine kontra-Covid-19.
“Lahat naman po ng bakuna ay pantay-pantay, dumaan po ‘yan sa masusing pag-aaral, lahat po ‘yan ligtas at epektibo. Kaya nga po ang pinakamabuting bakuna ay ‘yung ilalagay sa inyong mga braso,” dagdag ni Roque.
Marami ang umalma sa deklarasyon ni Duterte na hindi dapat maging “choosy” ang mga Pinoy sa klase ng bakunang ituturok sa kanila.
Ayon sa mga nagrereklamo, paglabag sa karapatan ng indibidwal ang utos ng Pangulo.