PINAYAGAN ng Department of Education ang mga pribadong eskwelahan na ipagpatuloy ang blended at full distance learning mode matapos ang Nobyembre 2.
Ito ang inanunsyo ng DepEd nitong Lunes kasabay ang pag-amyenda nito na kautusan na nag-aatas sa mga pribadong paaralan na mag-transition sa face-to-face classes. Sa amended order, sinabi ng DepEd na hahayaan na nito ang mga pribadong paaralan, mga estudyante at kanilang mga magulang na magdesisyon kung anong modality ang ipatutupad sa eskwela.
“DepEd is cognizant of the current situation of the private sector due to the impact of the Covid-19 pandemic — the amount of investment in online learning technologies, the development and institutionalization of best practices on blended learning, and the unfortunate closure of small private schools because of losses,” ayon sa kagawaran sa isang kalatas.
Gayunman, nanindigan ang DepEd na malaking benepisyo sa mga mag-aaral ang sumailalim sa face-to-face classes dahil ito ay nakakapag-promote ng “academic development and the overall mental health and well-being of our learners.”
Samantala, mananatili ang implemntasyon ng full in-person classes sa mga pampublikong paaralan na nakapaloob sa DepEd Order No. 34 series of 2022, maliban na lamang sa mga exempted dahil sa epekto ng mga natural disasters.