ISA sa mga miyembro ng delegasyon ng Pilipinas sa Tokyo Olympics ang nagpositibo sa Covid-19.
Ayon kay Philippine Olympic Committee (POC) president Bambol Tolentino, isang opisyal ang nadale ng nakahahawang sakit at hindi isa sa 19 na atleta na sasabak sa palaro na magsisimula sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8.
Nasa Maynila pa ang opisyal, ani Tolentino, at hindi na isasama pa sa Japan.
Kaugnay nito, kinumpirma ng organizers ng Tokyo Olympics na mayroon nang unang kaso Covid-19 ang Olympic Village kung saan tumutuloy ang mga atleta.
Hindi naman pinangalanan ang nagpositibo sa virus subalit sinabing ito ay isang dayuhan.
Inilipat na rin ito sa isang hotel para sumailalim sa quarantine.
Mahigpit ang patakaran para sa mga kalahok ng Olympics dahil araw araw ay sumasailalim ang mga atleta sa test. –A. Mae Rodriguez