BUMABA na sa 1,100 ang arawang kaso ng Covid-19 sa Metro Manila, iniulat ng OCTA Research Group.
Sa isang panayam, sinabi ni OCTA fellow Dr. Guido David na inaasahang magpapatuloy pa ang pagkonti ng mga kaso ng Covid-19 sa National Capital Region.
“Well, 25 percent ang ibinaba niya compared sa previous week. ‘Yung seven-day average niya, bumababa nang bumababa–1,100 cases per day sa NCR. Actually, ‘yung previous seven-day average ay 1,200, so bumaba siya dahil sa pababa na rin talaga ang bilang ng kaso sa NCR,” paliwanag ni David.
Idinagdag niya na maaaring nang magluwag ang pamahalaan ng community quarantine status sa Hunyo.
“Pero as usual ang recommendation natin, gradual and calibrated. Gusto nating maiwasan na may mga sitwasyon ng large social gatherings at large congregation,” aniya pa. –WC