CURFEW VIOLATOR PINAHIRAPAN, PATAY

NASAWI ang isang lalaki na pinag-pump (isang uri ng exercise) nang 300 rounds matapos damputin ng pulis dahil sa paglabag sa curfew noong Huwebes Santo sa General Trias, Cavite.

Ayon sa Facebook post ni Adrian Luceña, alas-8 nang gabi nang lumabas ng bahay ang pinsan niyang si Darren Manaog Peñaredondo, 28, ng Barangay Tejeron, para bumili ng mineral water.

Naaktuhan ito ng mga pulis at dinala sa munisipyo kung saan naroroon din ang iba pang nahuli dahil sa curfew violation.

Bilang parusa, pinag-pump ang grupo nang 100 beses, pero dahil kailangan daw ay sabay-sabay kaya inabot sila nang 300 rounds.

Sinabi ni Luceña na ilang beses natumba si Peñaredondo habang nage-exercise. Umaga na ng Biyernes nang makauwi ng bahay ang biktima na noon ay hirap nang maglakad. Kinabukasan ng madaling araw ay kinumbulsyon umano ito bago na-comatose.

Alas-10 ng gabi ng Linggo ay tuluyan nang binawian ng buhay si Peñaredondo.

Iginiit naman ni Mayor Ony Ferrer na “kailan man ay hindi naging parte ng ating polisiya ang pananakit o pagpapahirap sa sinomang lalabag” sa public health standards ng General Trias.

Idinagdag niya na inatasan na niya ang hepe ng pulisya upang imbestigahan ang pagpapahirap umano sa biktima.

“Tayo po ay personal na nakipag-ugnayan sa pamilya ni G. Peñaredondo upang makiramay at tumulong sa kanilang pangangailangan. Hangad po natin ang agarang pagkakaroon ng kalinawan sa mga pangyayari at mabigyan ng kapayapaan ng isipan at kalooban ang pamilya,” dagdag niya.