Covid cases sa PH posibleng umabot sa 30K – OCTA

NANGANGAMBA ang OCTA Research Group na posibleng umabot sa 30,000 sa isang araw ang mga kaso ng coronavirus disease (Covid-19) sa bansa, mas mataas sa mga kasong naitala noong Agosto 2021 na umabot ng 26,000.

Sa isang panayam sa DZMM, idinagdag ni OCTA Research Group fellow, Dr. Guido David na maaaring lumagpas sa 9,000 sa isang araw ang mga kaso ng Covid-19 sa Metro Manila.

“Yung single day positivity rate sa Metro Manila umabot na ng 28 percent. Ang pinakamataas na positivity rate during the surge was 30 percent so mahihigitan pa natin yung 30 percent,” sabi ni David.

Idinagdag ni David na posibleng Omicron na ang nakaaapekto sa bansa.

“We are waiting for genome sequencing but its highly likely its Omicron na nga bakit? because yung positivity rate napakabilis, in fact sa Metro Manila nasa 4.05 na ang reproduction number. Sa Delta dati, hindi lumagpas ng 2. Ang bilis ng pagtaas ng mga kaso, nag-dodouble, one to three days,” dagdag pa ni David.

Umaasa naman si David na makatutulong ang pagdedeklara ng Alert Level 3 sa Metro Manila para mapababa ang mga kaso.

“We are still optimistic that our hospitalization will not be as bad dahil mas marami na ang vaccinated sa Metro Manila and other areas in the country,” aniya.

Ngayong araw, sinabi ni David na mananatili ang 3,500 hanggang 4,000 mga kaso, bagamat sisipa ito sa susunod pang mga araw.

“I am expecting Wednesday, Thursday, tataas na naman ang kaso, hindi pa rin ito mag-slowdown, in fact its accelerating pa,” aniya.