BUMABA ng 46 porsyento ang kaso ng coronavirus disease sa Metro Manila, ayon sa OCTA Research Group.
Ito ay bunsod umano nang ipinatupad ng gobyerno na enhanced community quarantine (ECQ) mula Marso 29 hanggang Abril 11 at modified ECQ (MECQ) mula Abril 12 hanggang Abril 30 2021.
Sa isang panayam, sinabi ni OCTA fellow, Professor Guido David na sa ngayon pumapalo na lamang sa 3,000 kada araw ang mga kaso ng Covid-19 sa Metro Manila mula sa dating 5,500 kaso sa kasagsagan ng pagtaas ng mga kaso.
“Our reproduction rate is around 0.82 sa NCR, pero whole Philippines, we are actually averaging less than 8,000 cases per day now. Sa buong Philippines, yung peak natin nag-aaverage tayo ng more than 10,000 pero hindi ganun kabilis yung bagsak sa buong Pilipinas, may konting pagtaas tayo sa ibang lungsod outside the bubble,” sabi ni David.
Idinagdag ni David na kabilang sa mga lungsod kung saan naitala ang malaking pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 ay ang Manila, Navotas, Pasay at Navotas.
Aniya, umabot ng 75 porsiyento ang ibinaba ng mga kaso sa apat na lugar.
Sinabi naman ni David na mabagal pa ang pagbaba ng mga kaso sa Muntinlupa, Las Pinas, Valenzuela, Paranaque at Mandaluyong.
Sinabi ni David na rerepasuhin pa ng OCTA ang mga datos bago matapos ang MECQ sa Mayo 14, bago masabi kung maaari nang makabalik ang NCR Bubble plus sa general community quarantine (GCQ).