Covid-19 patients sa Aklan sa ambulansya na namatay


ILANG mga pasyente ng Covid-19 sa Kalibo, Aklan ang namatay sa loob ng ambulansya habang naghihintay na ma-admit sa mga ospital.


Ayon sa ulat, umaapaw na ang mga ospital sa probinsya sa dami ng mga naka-confine na tinamaan ng nakahahawang sakit.


Sinabi ng isang first responder na dahil sa kakulangan ng mga kagamitan sa ambulansya, “ang kalimitan nangyayari po ay doon na namamatay ang pasyente.”


Nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine ang Aklan hanggang Agosto 15 dahil sa dami ng mga kaso ng Covid-19 na bunsod umano ng Delta variant.


Kahapon ay iniulat ng PUBLIKO na inatasan ni Gov. Florencio Miraflores ang 17 municipal mayors sa probinsiya na maghanda ng paglilibingan sa mga namatay sa sakit.


Ani Miraflores, pansamantalang inihinto ng kanilang partner crematorium ang operasyon nito dahil sa dami ng mga patay na nakapila para maserbisyuhan.


Napag-alaman na ang Gegato-Abecia Funeral Parlor and Crematorium ang nag-iisang crematorium sa Panay Island. –A. Mae Rodriguez