PAGLABAG sa health protocols ng ilang establisimento sa Boracay ang sanhi ng biglaang pagsipa ng bilang ng Covid-19 cases sa Malay, Aklan.
Mula lamang sa 12 active cases noong Marso 11 ay nasa 81 na ito, ayon sa Municipal Health Office ng Malay, na sumasakop sa isla ng Boracay.
Ngayon ay iniimbestigahan na ng tanggapan ang ulat na kumalat ang virus dahil sa mga ginanap na party ng mga establisimento doon.
Napag-alaman na isang turista na galing Boracay noong Marso ang nagpositibo sa Covid-19 pagdating ng Metro Manila.
Dumalo umano ito sa isang party sa isla noong Marso 20 kung saan marami itong nakasalamuha.
Naki-party naman ang kanyang mga nakasama noong mga sumunod na araw kaya dumami ang nahawa.
Sa kasalukuyan ay naka-lockdown ang ilang mga barangay sa Boracay, kabilang ang Manocmanoc at Balabag.