MARIING pinabulaanan ng isang Chinese scientist ang mga teorya na sa isang laboratorya sa Wuhan, China nagmula ang sakit na naging sanhi ng coronavirus pandemic.
Ayon kay Dr. Shi Zhengli, walang kinalaman ang kanyang ospital sa pandemiya.
Matatandaan na sa Wuhan, China unang naitala ang coronavirus disease na siyang dahilan ng mga usap-usapan na nagmula ito sa isang laboratoryo.
Lalong napalakas ang teorya matapos mapag-alaman na tatlong mananaliksik mula sa Wuhan Institute of Virology ang nagkasakit noong 2019 matapos na pumunta sa isang pugad ng mga paniki sa Yunnan.
Dahil si Dr. Shi ay isang eksperto sa coronavirus sa mga paniki, pinaghihinalaan siyang nagsagawa ng mga eksperimento kung saan pinapalakas ng mga scientist ang isang virus upang mas mabuting mapag-aralan ang epekto nito sa madadapuan.
Sagot ni Dr. Shi, hindi umano nila pinapalakas ang virus, kundi kanila itong inaaral kung paano ito nakakatalon mula sa iba’t ibang uri ng hayop.