IPINAG-UTOS ng pamahalaan ang mahigpit na pagbabantay sa mga border ng bansa upang maiwasan ang pagpasok ng isa pang mas nakahahawang variant ng Covid-19.
Ani Health Secretary Francisco Duque III, wala pang nade-detect sa bansa na Lambda variant, na unang nadiskubre sa Peru at ngayon ay kumalat na sa 35 bansa.
“Kinakailangan talaga bantayan natin ito dahil baka biglang maging variant of concern. Ang gagawin ay patuloy na paigtingin ang border control para makasiguro na hindi ito makalusot,” ani Duque.
Dagdag niya, lahat ng mga dumarating na overseas Filipinos ay kailangang sumailalim sa istriktong quarantine protocol pagdating ng bansa.
Sinabi ng Kalihim na epektibo ang paghihigpit ng border control dahil hanggang ngayon ay wala pang naiuulat na lokal na hawahan ng Delta variant.
Napag-alaman na mas mapanganib ang Lambda variant ng Covid-19 kesa sa Delta variant na unang kumalat sa India.