INAPRUBAHAN na ng Department of Health (DOH) ang pagbabakuna ng COVID-19 booster shot para sa mga edad 12-17.
“Napirmahan na ni Secretary Duque yung approval dito, hinihintay na lang yung guidelines, which should come in very soon,” ayon kay Vaccine Expert Panel Chairperson Dr. Nina Gloriani.
“Meron na lang konting technicalities na inaayos, tapos ilalabas na rin yon. At pagkatapos noon ay pwede nang magbigay,” dagdag pa niya.
Sinabi ng doktor na ang mga booster ay inaprubahan para sa 12-17 age group para matugunan ang kanilang humihina na immunity sa COVID-19.
“Medyo may ilang buwan na rin na nabigay natin yung primary series nila, yung waning immunity plus of course may banta pa rin nung mga variants or subvariants of concern natin. And we want also na mag-normalize pati ang mga bata natin, mga anak natin, apo,” ayon sa health expert.
Sinabi ni Gloriani na bukas ang mga magulang sa pagbibigay sa kanilang mga anak ng COVID-19 booster dose habang mas maraming mga face-to-face na klase ang muling nagbubukas.
“I think okay naman sila kasi nga gusto nila ang mga bata, makapasok na rin, face-to-face, and then siyempre iniisip natin lahat yan, mas magiging mobile ang mga tao and we will really have to normalize soon,” aniya.