MAY pag-asa pa rin daw na magkaroon ng magandang Pasko ang mg Pilipino ngayong darating na Disyembre.
Ito ang sinabi ni vaccine czar and chief implementer ng National Task Force Against Covid-19 Carlito Galvez Jr nitong Sabado, sa gitna nang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 Delta variant.
“Our goal of having a better Christmas is still attainable. Maraming areas na mabibilis magbakuna and with the continuous deliveries of our vaccine supplies, kayang-kaya natin ma-achieve yung minimithi natin sa NCR and other areas na magkaroon ng better Christmas sa December,” ayon kay Galvez.
Kamakailan lang ay pinalutang ng Malacanang na posible na maging mask-less ang Pasko ng mga Pinoy. Ngunit mukhang malabo na itong mangyari dahil sa mababang bilang ng mga Pilipino na nababakunahan dahil na rin sa limitadong suplay bukod pa sa patuloy na pagtaas ng kaso ng impeksyon sa bansa.
Una nang plano ng pamahalaan na mabakunahan ang 77 milyong Pilipino o 70 porsiyento ng kabuuang populasyon na 111 milyon para ma-target ang herd immunity.
Sinabi ni Galvez na posibleng makamit ang target ng Metro Manila ang herd immunity sa Setyembre dahil sa pagpapaigting ng vaccination. Sinasabing may 250,000 nababakunahan kada araw sa Metro Manila.