IKINAWINDANG ng ABS-CBN news anchor na si Bernadette Sembrano na siya sa positibo sa Covid-19.
“Nagulat din po ako kasi wala akong nararamdaman at all. In fact, I feel healthy. Wala pong symptoms pero meron kaming mandatory RT-PCR test sa work. So when it came out, nawindang ako,” ani Sembrano sa kanyang IG video kahapon.
Ngayong araw ay sunod-sunod ang post niya sa social media para himukin ang publiko na magpa-test na rin.
“I’m coming out para lang ma-enlighten ang marami sa atin. Kadalasan ang iniisip natin pag COVID, ‘yun pong mga pasyente na mahina ang katawan na may tubo, nangangayayat, inuubo,” aniya.
Paliwanag niya, maraming may sakit ang hindi nakakaramdam ng sintomas kaya dapat talagang mag-ingat sa mga nakakasalamuha.
“‘Yun iyong nakakatakot kasi we can be endangering the lives of the people around us and the lives of our loved ones. So, please practice the health protocols because we are doing it not only to protect ourselves, we’re doing it to protect our loved ones,” sabi pa niya.
Nagpasalamat naman siya na maaga niyang nalaman na mayroon siyang sakit kaya agad siyang nakapag-isolate.
“Sa panahon ngayon, hindi natin kaaway ang isa’t isa. Ang kaaway natin COVID. Hopefully, we can fight this together,” dagdag ni Sembrano.
Naka-quarantine na rin ang nga kapwa-anchors niyang sina Noli de Castro at Henry Omaga-Diaz.