MULING hinikayat ni Pangulong Bongbong Marcos ang lahat ng mga Pinoy bilang paghahanda sa face-to-face classes.
“Una riyan yung panigurong nakapag booster shot na ang lahat lalong lalo na ang ating mga kabataan para siguradong handa ang pangangatawan nila sa pagbabalik eskuwela. Hindi man ito magiging ganun kasimple, pero kapag tama ang paghahanda ay siguradong magiging matagumpay ito,” sabi ni Marcos sa kanyang vlog.
Aniya, sa kasalukuyan umabot pa lamang sa 15.9 milyong Pinoy ang nakatanggap ng kanilang unang booster, samantalang 1.2 milyon pa lamang ang nakakuha ng ikalawang booster shot.
“Hindi pa ito magandang numero kumpara sa target natin na 100 percent kaya tayo magsasawa na pakiusapan ang ating mga LGU na mahing mas agresibo dito sa kampaniyang ito,” aniya.
Idinagdag ni Marcos na umabot na sa 15.2 milyong estudyante ang nakapag-enroll para sa nalalapit na pasukan.
Aniya, mas marami ang makikinabang sa muling pagsasagawa ng in-person classes makalipas ang dalawang taon.
“Kailangan din ng mga estudyante ng mga school supplies at materyales. Isama mo na yung pagkain kaya’t ang ating retail industry ay may karagdagang influx din ng salapi. Marami ring mga magulang ang mas magkakaroon ng oras makapag hanapbuhay kapag nasa eskuwelahan na ang kanilang mga anak kaya madadagdagan ang ating workforce at mas marami rin silang magiging option sa pagpili ng trabaho dahil hindi na sila limitado sa online,” ayon pa kay Marcos.
“Kapag ito ay naging matagumpay, hindi lang ito balik eskuwela, kung di balik negosyo? Balik hanapbuhay at balik kaunlaran,” aniya.