NANAWAGAN si Pangulong Marcos sa mga Pinoy na mapa-booster sa harap ng banta ng bagong Omicron subvariant na XBB at XBC.
“Mayroon pa rin tayong kailangang pangalagaan. Kung minsan dahil… ‘Yan ganyan, wala na tayong masks. Hindi na tayo masyadong maingat ay nakakalimutan natin nandiyan pa ang pandemya. Medyo mahina na pero mas hihina ‘yan kung tayo po ay magpa-booster shot,” sabi ni Marcos sa kanyang talumpati sa 5th Ormoc City Diamond Charter Day Celebration sa Ormoc, Leyte.
Ito’y matapos makapagtala ang Department of Health (DoH) ng halos 300 kaso ng Omicron subvariant XBB at XBC, na sinasabing mas nakahahawa.
“Magpa-booster shot po kayo para mabawasan na ‘yan lahat ng infection, mabuksan na natin lahat ng Negosyo,” dagdag ni Marcos.
Partikular na binanggit ni Marcos ang mababang bilang ng mga nabigyan ng booster sa Ormoc,
“Mababa pa tayo sa booster uptake. Dito sa inyo, 33 percent. Pero alam ko kaya ninyong paakyatin ‘yan. It is essential that we increase that rate to 50 percent para mayroon tayong tinatawag na wall of immunity. Magtulungan tayo. Napakahalaga nito at marami tayong magagawa kaagad,” aniya.