Bangkay ng Covid positive, inilibing sa basurahan

MAGKAHALONG paghihinagpis at galit ang nararamdaman ng isang pamilya sa San Nicolas, Ilocos Norte makaraan nilang madiskubre na malapit sa tambakan ng basura inilibing ang kanilang kaanak na namatay dahil sa Covid-19.


Sa impormasyon na nasagap ng PUBLIKO, sumakabilang buhay si Wilmer Molina, tricycle driver, kamakailan pero imbes na i-cremate ang katawan nito, gaya ng ibang ginagawa sa mga nasasawi sa Covid-19, nagdesisyon ang mga otoridad at pamilya na ilibing ito sa isang ecopark sa nasabing bayan.


Nagulat na lamang ang pamilya nang malaman na inilibing si Molina sa lugar na halos 10 metro lamang ang layo sa sanitary landfill.


Ayon sa pinsan ni Molina na si Juanito, kasama siya ng mga tauhan ng munisipyo na naghukay ng paglilibingan pero hindi na umano siya nakaimik nang makita na halos katabi ng puntod ang gabundok na basura.


Nai-video ni Juanito ang pangyayari na kanyang ipinakita sa kanilang mga kamag-anak kaya ganoon na lang ang pagtatangis ng mga ito.


“Tila ibinasura lang nila ang anak ko,” ayon sa ama ni Molina na si Virgilio.


Ang sabi naman ng anak ni Molina na si Mark Lester: “Nakakadismaya ang nangyari sa aking ama dahil mismong basurahan naman nila ito inilibing.”


Nakausap na ng pamilya ang mga opisyal ng munisipyo at nangako ang mga ito na pagagandahin ang lugar.
Pero duda rito ang pamilya, na nagsabing posibleng matabunan ng basura ang puntod kung magtagal doon ang bangkay.


“Ang request lang po sana namin kay Mayor (Alfredo) Valdez na ilipat ang aking ama sa sementeryo kahit gaano kalalim para naman mabisita namin siya lalo na’t hindi namin siya nakasama mula nung siya ay maospital,” ani Mark Lester.


Samantala, nangako si Mayor Valdez sa pamilya na pamimisahan ang puntod ni Molina at pag-aaralin ang mga anak nito.