Baka para sa magpapabakuna, alok ng Pampanga mayor

GAYA sa Thailand, magpapa-raffle ng baka ang mayor ng San Luis, Pampanga para sa mga magpapabakuna kontra Covid-19.


Sa isang panayam, sinabi ni San Luis Mayor Jayson “Dr. J” Sagum na magsisimula ang raffle sa Hulyo at tatagal hanggang Hunyo 2022.


“Sa July po (ang start of the raffle) at gagawin natin hanggang June 2022, that’s 12 months, isang baka kada buwan ang ira-raffle,” sabi ni Sagum.


“Magra-raffle po tayo ng baka para sa mga nabakunahan nating mga kababayan kasi po, nag-uusap nga po kami ng misis ko, kasi pareho kaming doktor, kasi malaki yung vaccine hesitancy ng mga Filipinos,” dagdag ni Sagum.


Aniya, maraming mga residente ng San Luis ang takot sa bakuna.


“Marami pong natatakot, pero slowly po, yung mga nagno-no, medyo nagko-convert na rin ng yes. Nag-iisip pa po kami ng strategy para ma-convince sila, lalo na po yung D, E group na mga kababayan natin,” sabi pa ng alkalde.


Matatandaan na planong nagpa-raffle ng baka kada linggo ang mga opisyal ng Mae Cham District sa Chiang Mai, Thailand upang mahikayat ang mga residente na magpaturok ng bakuna. –WC