SINABI ni OCTA Research Group fellow Dr. Guido David na balewala na ang ipinatutupad na alert level sa bansa matapos tanggalin ang mandatory na pagsusuot ng face masks sa mga indoor settings.
“Para sa akin, ang face mask ang pinaka last defense natin. Kahit may social distancing tayo, kung walang face mask, wala na ring saysay ang social distancing,” sabi ni David sa panayam sa DZBB.
Ito’y matapos ibalik ng pamahalaan ang alert level system sa bansa kung saan ipinatutupad ang Alert Level 1 sa Metro Manila.
“Sa Metro Manila, and other regions, like CALABARZON, Central Luzon, bumababa na ang positivity rate, sa tingin namin yung ang nagdala ng wave, yung XBB at ngayon pababa na,” sabi ni David.
Nagbabala rin si David na posibleng maranasan pa rin ang pagtaas ng mga kaso ng coronavirus disease (Covid-19).
“Magkakaroon pa rin ng mga susunod na wave, magkakaroon pa rin ng mga variants,” dagdag ni David.