NAIS ng pamahalaan na manatili sa Alert Level 1 ang bansa hanggang matapos ang termino ni Pangulong Duterte sa Hunyo 30, 2022, ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez.
Sa isang panayam sa dzBB, walang balak ibaba sa Alert Level 0 ang bansa kahit pa patuloy ang pagbaba ng mga COVID cases. Bukod dito, bukas naman na ang ekonomiya maliban na lamang sa mandatory na pagsusuot ng mask.
“Sa amin, hindi na kailangan ng Alert Level 0 kasi tutal bukas ang economy. Napag-usapan namin yan sa IATF for a while yan at coming from the economic team, open na naman ang economy. In fact ang pinupush ngayon mag-face-to-face. In fact sa tourism in-open na rin lahat, 100 percent operational na,” ani Lopez.
Idinagdag ni Lopez na sa kasalukuyan ang Pilipinas ang may pinakamaluwag na ipinatutupad na panuntunan kung saan wala nang quarantine sa mga dumarating na biyahero.
“Itong Alert Level 1 nandun na tayo, ang kinaiba na lang ng Alert Level 0 yung mask, yun na lang, so hindi na kailangan, for us, and sa pag-uusap namin, ang Alert Level 1 na natin ay hanggang katapusan na ng termino ni Pangulong Duterte, hindi na kailangan ang Alert Level 0, yun ang tingin namin,” ayon pa kay Lopez.
Aniya, bumalik na rin sa pre-pandemic ang dami ng mga nagpupunta sa mall at mga pamilihan.
“Ibig sabihin marami nang tao sa bilihan. Kahit nagtataas yung presyo, tuloy pa rin ang paglabas ng tao,” aniya pa.