58-anyos todas sa Delta variant

SUMAKABILANG-BUHAY ang 58-anyos na babae na nagpositibo sa Delta variant ng Covid-19, iniulat ngayong araw ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire


Ito, ayon sa opisyal, ang ikalawang naiulat na namatay bunsod ng mas nakahahawang variant sa bansa.


“Nagkaroon na po siya ng sintomas five days from the time na nagpakonsulta siya at pagdating niya po doon sa emergency room ay malubha na po ang kanyang sakit. Doon na po siya binawian ng buhay,” ani Vergeire.


Inaalam pa kung nabakanuhan na kontra Covid-19 ang biktima.


Matatandaan na isang seafarer na sakay ng MV Athens Bridge ang unang Pinoy na namatay sa bansa dahil sa Delta variant.


Kahapon ay isiniwalat ng Department of Health na may naiulat na 16 na bagong kaso ng Delta variant, kung saan 11 ay itinuturing na local cases.


Samantala, inihayag ni Cagayan de Oro City Mayor Oscar Moreno na naka-isolate na Ang limang taga-siyudad na nagpositibo sa nasabing variant.


“Lima, pero lahat na-isolate namin,” ani Moreno sa isang panayam.


Kaugnay nito, ipinaiiral na sa siyudad ang enhanced community quarantine (ECQ) para hindi na kumalat ang sakit.