500K babakunahan kada araw sa Hunyo

TARGET ng pamahalaaan na mabakunahan ang 500,000 katao kada araw pagdating ng 10 milyong doses ng vaccine kontra Covid-19 sa susunod na buwan.


Ayon kay National Task Force on Covid-19 spokesman Restituto Padilla, kabilang sa darating ang mga bakuna mula sa US pharmaceutical giant Pfizer.


“Sa darating na buwan, ang expectation natin ay mahigit 10 milyon na ang ating tatanggapin. Kasama na diyan ang mga inorder na bakuna ng private sector na 50,000 na initial delivery ng Moderna, 1.3 million ng AstraZeneca, at ang bulto na 4.5 milyon na Sinovac na binili ng gobyerno,” dagdag ni Padilla.


Naniniwala ang opisyal na mula sa 237,984 doses ng naipamahagi sa isang araw noong Mayo 21, maaaring mapataas ito sa kalahating milyon pagdating ng bagong supply ng bakuna.


Kaugnay nito, sinabi ni Padilla na matatapos sa loob ng 45 araw ang Nayong Pilipino mega-jab site sa Paranaque.


Kapag naitayo ito, aabot sa hanggang 15,000 ang mababakunahan kada araw.


“May drive-thru ang meg-jab site kaya mula sa 10,000 hanggang 15,000 ang maaaring mabakunan kapag nagbukas na ito,” ani Padilla.