300 Covid vaccine doses nadamay sa sunog

HINDI na magagamit pa ang 300 doses ng Covid-19 vaccine na nakaimbak sa nasunog na health office ng Misamis Oriental ngayong linggo, ayon sa Department of Health.


Matatandaan na napinsala ang provincial health office ng probinsya dahil sa sunog noong Miyerkules. Base sa inisyal na ulat, mayroong nakatago roon na 50 vials ng Sinovac vaccine.


Pero klinaro ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na 30 vials lang na sapat sa 300 katao ang nadamay sa sunog at hindi 50 vials.


“Dahil nagkaroon ng sunog, temperature was high. Hindi na natin iri-risk na titingnan pa at gamitin ang bakuna dahil nagbago na ang temperatura kung sakali. Not unless, the storage of the vaccines or ‘yung ref nila is malayo sa pinangyarihan ng sunog,” ani Vergeire.


Kailangang iimbak ang mga bakuna ng Sinovac at AstraZeneca vaccines sa mayroong regular refrigerator temperature na 2 hanggang 8 degrees Celsius.