300-400 Covid cases kada araw sa NCR posible sa Disyembre

INIHAYAG ng OCTA Research na posibleng umabot na lamang sa 300 hanggang 400 ang arawang kaso ng Covid-19 sa Metro Manila pagdating ng Disyembre.


Sa panayam sa radyo, sinabi ni OCTA fellow Prof. Guido David na inaasahan na aabot na lamang sa 1,000 kada araw ang mga kaso ng Covid sa National Capital Region (NCR) bago matapos ang Oktubre.


“Kasama ‘yan sa possible explanation sa pagbaba ng kaso ay nagkakaroon na ng herd immunity or at least mataas na ang level of protection natin sa virus at humihina ang Delta variant kayat mas malakas na ang proteksyon natin, marami na ang mga bakunado,” sabi ni David.


Idinagdag niya na inaasahan din ang pagbaba ng alert level sa Metro Manila, na aniya ay magiging low risk na pagsapit ng Nobyembre.


“Kung bubuksan natin ekonomiya hindi na bababa sa 400 to 300 per day sa NCR parang last year, 2,000 cases per day sa buong Pilipinas, posible talaga ‘yan. Sana tuloy-tuloy na ang pagbaba, wala rin tayong nakikitang variant of concern na threatening na pwedeng pumasok sa bansa kaya tingin natin tuloy-tuloy na ‘yan hanggang Pasko,” aniya pa. –WC