DUMATING na kagabi sa bansa ang 249,600 doses ng Moderna vaccine sakay ng Singapore Airlines.
Sinalubong ni Vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. ang unang batch ng Moderna vaccine sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.
Sa kabuuang dumating na doses ng bakuna, 150,000 doses ang binili ng pamahalaan, samantalang 99,600 doses naman ang inangkat ng pribadong sektor sa pamumuno ng International Container Terminal Services, Inc. (ICTSI).
Sinamahan si Galvez sa pagsalubong nina Christian Martin Gonzalez, executive vice president ng ICTSI, David Gamble, Jr., economic counselor ng US Embassy, mga opisyal ng Zuellig Pharma, at Health Undersecretary Carol Tanio.
Aabot sa 20 milyong doses ng Moderna vaccine ang inaasahang dumating sa bansa ngayong taon, kung saan 13 milyon ay binili ng gobyerno at pitong milyon naman mula sa pribadong sector.
Dahil sa pagdating ng Moderna, lima na ang mga bakunang ginagamit sa bansa, kabilang ang Sinovac, AstraZeneca, Sputnik V, at Pfizer.