AABOT sa 20,000 ivermectin capsules ang nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ngayong araw.
Ayon sa BOC, mula sa New Delhi, India ang mga gamot na bahagi ng kargamento na idineklara na “Food Supplements, Multivitamins and Multi-Mineral Capsules.”
Itinago ang mga kapsula sa kaloob-looban ng kargamento at tinakpan ng mga deklaradong gamit, dagdag ng BOC.
Naging popular sa Pilipinas ang ivermectin, isang antiparasitic drug para sa hayop, makaraang sabihin ng mga mambabatas na sina Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor at Deputy Speaker Rodante Marcoleta na mabisa itong gamot kontra-Covid-19.