13 OFWs stranded sa Singapore

NATENGGA ang 13 overseas Filipino workers (OFW) mula United Arab Emirates bunsod ng desisyon ng pamahalaan ng Pilipinas na palawigin ang travel ban sa UAE at anim pang mga bansa upang mapigilan ang pagpasok ng mas nakahahawang Indian variant ng Covid-19.


Lumipad ang mga OFW mula UAE noong Mayo 31 at dumating sa layover nila sa Singapore ng madaling araw.


Dito na nila nalaman na muling pinalawig ng Duterte administration ang travel ban hanggang Hunyo 15.
Dahil sa pangyayari ay hindi na sila pinasakay pa ng eroplano pabalik ng Pilipinas.


Payo sa kanila ay bumalik sa UAE, pero giit ng mga ito na hindi naman nila kasalanan ang last-minute na anunsiyo ng extended travel ban.


Nauna nang sinuspinde ng gobyerno ang pagpasok sa Pilipinas ng mga traveler mula India, Bangladesh, Pakistan, Nepal, Sri Lanka, Oman, at UAE hanggang Mayo 31. –A. Mae Rodriguez