LABING-DALAWANG tripulanteng Pinoy na sakay ng barko mula sa Indonesia ang nagpositibo sa Covid-19.
Inaalam pa ng mga otoridad kung Delta variant ang dumapo sa mga seafarers dahil kailangan pang isailalim sa genome sequencing ang kanilang mga specimen.
Isa ang Indonesia sa mga bansang sumipa ang mga kaso ng Covid-19 dahil sa mas nakahahawang Delta variant.
Sa ulat, unang dumaong ang barko sa Butuan City noong Hulyo 14 at sumailalim sa pagsusuri ang 20 sakay.
Napag-alaman na bumiyahe kinagabihan ang barko pero isa sa mga tripulante ay nagpaiwan sa Butuan.
Kinalaunan ay lumabas ang resulta ng pagsusuri na 12 sa mga sakay ay positibo sa Covid-19, kabilang ang nagpaiwan sa siyudad.
Sinabi sa ulat na walang sintomas ang 12 tripulante.
Patungo sa Albay ang barko pero sinabi ng kapitan na hindi sila dadaong doon hanggang walang permiso ng otoridad.
Ayon sa Department of Health, mayroong nang 11 local cases ng Delta variant sa bansa kung saan dalawa na ang nasasawi.