HALOS anim na taon nang tiklop ang ordinaryong Pinoy sa pamba-braso ng walang malasakit na estado.
Puwede ring nasanay na itong huwag pumalag o kaya ay maging manhid na lang dahil may mas mahalagang giyera na hinaharap kada araw: ang giyera laban sa kagutuman.
Habang ang may pera o nagkapera sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ay patuloy sa pamamayagpag, hindi alintana ang mga epekto nang nililikha nila sa sirkumstansiya ng ordinaryong mamamayan.
Hindi maikakaila na naglaho ang konteksto ng kabutihan at integridad sa pamamahala. Ang presensiya ng estado, na ang ideal na mandato ay balansehin ang epekto ng di pagkapantay-pantay sa lipunan at tiyakin ang equal access ng tao sa social resources, ay hindi na maramdaman. Tila hinigop na ang mga ito ng mga power players sa tinatawag nating free market.
Kita ang ebidensiya saan man ibaling ang paningin. Naglalakihang mga building at imprastruktura sa sanga-sangang bituka ng kalunsuran, kung saan kulang ang probisyon para sa mas maluwag na trapiko na inaasahang magsisikip dahil sa konsentrasyon ng mga tao at aktibidades. Never mind kung sa ngayon na pandemya ay hindi pa ramdam yan. Sa malapit na hinaharap, kapag lumuwag ang mga restrictions, asahan na maging realidad ito.
To our detriment, of course.
Ang pagtatayo ng mga imprastruktura ang sentro ng medium term development plan ng administrasyong Duterte. Kasama ito sa 10-point economic program ng kanyang economic team nang kauupo pa lamang niya at inilunsad ang tinawag na Dutertenomics noong Mayo 2017. Ang matinding laban ng mga komyuters sa trapiko ang pangunahing dahilan kung bakit napagpasyahang i-upgrade ang imprastruktura ng bansa.
Subalit malawak ang sakop ng imprastruktura. Hindi lang land transport, kung saan nakapaloob ang mga daan at daungan sa kalunsuran kundi mga ospital, eskuwelahan, at irrigation facilities sa rural areas ang kailangang itayo o kumpunihin.
Gaya rin ng nakaraang mga administrasyon, umasa ang gobyerno sa public-private partnerships (PPP) para tugunan ang malawak na krisis sa imprastruktura. Naging battlecry nito ang “Build, build, build” kung saan inintrodyus ng mga economic managers sa ilalim ng Dutertenomics ang konsepto ng “hybrid PPPs”.
Sa pamamagitan ng hybid PPPs, ginalugad ng mga ito ang buong mundo para humanap ng mga instrumentong pinansiyal. Agresibo silang humanap ng pondong pautang (particular sa bansang Tsina na apaw ang salapi dahil ito ang tinaguriang economic giant ng daigdig sa ngayon).
Kayganda ng simulain. Kaygandang mga plano para sa bayan!
Ngunit sa karanasan, agad nating nabisto ang profit-oriented na mga transaksyon sa ilalim ng programang ito. Pinigil ng PPPs ang infrastructure development na tupdin ang panlipunan at ekonomikong misyon nito.
Nagresulta lang sa mas mataas na singil sa pasahe, sa distorted priorities sa paghahatid ng serbisyo publiko, at mas mabigat na pasanin ng bansa (at eventually ng bawat Pilipino) kaugnay ng trilyong utang panlabas.
In sum, nagsilbing gatasan ng mga opisyal ng gobyerno at pribadong business partners ang proyektong imprastruktura. Hindi kailangang maging rocket scientist ‘ika nga para makita ang pansariling interes na pagkakitaan ang mga proyektong ito.
Profit-driven ang infra development projects na itinaguyod ng nakaraan at kasalukuyang administrasyon. Mas matindi nga lamang ang pambabalahura ngayon sa pondo na namumutiktik sa onerous o mapanlamang na contractual terms na disadvantageous sa taxpayers.
Ito ay ang paggarantiya ng gobyerno sa mga pinagkakautangan nito ng pagbabayad ng mataas na interest sa mga foreign debts at sa panig ng end-users/commuters, ang garantiya ng fare adjustments. Kita naman, dahil nagsimula na nating maramdaman ang mga epektong ito. At dahil diyan, tayo ang makabagong Atlas na pumapasan sa hilahil ng binubusabos na bansa.
Ramdam din ang epekto ng “infra misdevelopment’ sa serbisyo publiko. Dahil mas ibinuhos ang pondo sa naturang programa, nasakripisyo ang serbisyong panlipuan, pangkalusugan, basic utility services, pabahay, at edukasyon. Habang may mga grupong pumalag dito, mas nanaig ang pagtanggap sa mga nangyayaring anomalya. Kumbaga sa krimen, itinuring natin itong tila unjust vexation lamang, o kaya ay malicious mischief. Talaga namang nakakalungkot.
Habang ang estado– bilang paraan ng pagtatakip sa kanyang kawalang kakayanan at komplikadong pamunuan– ay nagpatuloy sa paghahabi ng mga kasinungalingan na naging normal na galawan sa mapanlinlang na panahon.
Madness!
Pero hindi pa huli ang lahat. We can either zoom in or zoom out on this country’s future. We zoom in to take a closer look at what ails this government and take action. We zoom out to minimize its evil deeds by taking a united stand in choosing the right leader.
Relatibong termino ang “right leader” dahil may pagakakaiba ang tingin natin sa kung sino o ano ang modelong ito. A tall task and we need to pray for it.
Ang 2022 is our defining moment! Sino man siya, anumang partido o linya, mahalagang kwalipikasyon niya ang katapatan sa interes ng taumbayan.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]