Yellow cards

DESISYUNAN na agad ang problema sa binabayarang P370 International Certificate of Vaccination o Yellow Cards ng OFWs na magtatrabaho sa ibang bansa.

Habang tumatagal, nagdurusa ang mga Kabayani na gusto nang kumita para may maipangkain sa kanilang pamilya rito sa Pilipinas dahil hindi naman sapat ang ayuda ng gobyerno.

Nitong isang araw lang, napanood ko sa CNN Philippines ang mga paalis na OFWs na sobrang napeperwisyo sa pagkuha ng Yellow Cards.

Na-delay ang start ng trabaho nila sa abroad dahil late ang appointment na ibinigay sa kanila.

Meron nga nagbu-book ng online appointment, tapos December pa ang pinakamaagang schedule.

Ganyan pahirap ang Bureau of Quarantine (BoQ) at Fintech PisoPay na nagpapatupad ng ICV / Yellow Cards.

Sa mga mangmang sa ICV/Yellow Card, ito yung isang travel document na talaan ng mga bakuna ng isang magbi-byahe sa ibang bansa.

Recognized yan ng World Health Organization (WHO).

Hindi naman yan mandatory pwera lang kung requirement yan ng bansang pupuntahan.

Noong 1935 nagsimulang gamitin ang Yellow Cards para sa iba-ibang bakuna na nire-require ng ibang bansa lalo na kung may health emergency.

Dahil sa pandemic ngayon, hinihingi na yan ng mga country of destination.

Ang siste, limitado ang slot sa computerized appointment system dahil maraming reklamo sa ICV/Yellow Cards.

Sa Pilipinas, may bayad na P300 para sa documentary sa BoQ at P70 convenience fee sa PisoPay, total of P370. Pero dapat ilibre na yan ng gobyerno. Bilyon-bilyong piso ang OFW remittance sa Pilipinas.

Paliwanag ni PisoPay President Ariel Surca, kasama sa binabayaran na P70 ang bayad na serbisyo.

Sila raw ang nagdedevelop ng internal system ng BoQ, dini-digitalize daw nila ang operation nila sa pagproseso ng Yellow Card.

Boom!

Ganun naman pala. E bakit nade-delay ang schedule ng mga OFW kahit maaga silang nakikipag-appointment?

Bakit December pa ang pinakamaagang appointment?

Kung kayo ang nagdedevelop ng internal system at nagdigitalize ng proseso ng ICV/Yellow Card, bakit analog sa bagal ang paglakad sa Yellow Card?

Sa BoQ, alam nyo namang daan-daan ang kumukuha ng ICV/Yellow Card, bakit ambagal ng proseso at release? Saan bumabara?

Kung kulang ang opisina at personnel ng BoQ dahil sa Covid protocol, e di magdagdag at makipag-coordinate sa LGUs.

Ayon sa mga otoridad, duda sila sa financial records ng PisoPay.

May alegasyon na hindi nakapag-submit ang PisoPay sa BIR ng Annual Income Tax Returns for 2018 and 2019 and the Monthly Remittance Return on Income Taxes Withheld on Compensation from April to May 2020 base sa BIR CMS record sa first week ng August 2021.

Bukod pa riyan, may mga dokumento umano na nagpapakita na ang kumpanyang nangangasiwa ng multi-billion peso na kontrata ay nalulugi na ng dalawang taon base sa kanilang 2019 at 2020 Audited Income Statements, Balance Sheets at Stockholders’ Equity.

Nasilip din ng mga congressman na ang Fintech ay hindi buong pag-aari ng mga Pinoy.

Kaya dahil dito, nakakita ng oportunidad ang mga user-friendly na pulitiko na magpapogi at iimbestigahan ang issue ng ICV/Yellow Card.

Sa House Resolution House No. 2198, binigyang diin ng mga mambabatas na sa ilalim ng batas,ang issuance, amendment o replacement ng vaccine card ay walang bayad, libre.

Suportahan taka.

Kasi dagdag na gastos din yan at pagod kung meron namang bilyon-bilyong pondo ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at depende yan kung kasama sa mandato ng ahensya ang pondohan ang Yellow Cards.

Sa USA, $25 o katumbas na P 1,245.35 ang bayad sa ICV / Yellow Card.

Sa pag-check ko, binigayan ng Sec registration noong March 23, 2017 at accredited ng Central Bank remittance at transfer company.

Issued: March 23, 2017 – Mandaluyong City

Partner ng PisoPay ang bancnet, remittance / money changer firms, credit cards at maski convenience stores.

Pisopay signatories ang Chairman na si Jae Jung Jang, Managing Director Mr. Jin Su Kim at President Ariel Surca.

Nitong unang linggo ng Agosto pumutok ang balita na hinarang ng Hong Kong ang mga pumasok na OFWs na bitbit lang ang local government-issued vaccination cards dahil ICV/ Yellow Cards lang ang kinikilala nila.

Nag-tweet pa nga riyan at naawa si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin.

Tinatayang may 3,000 OFWs ang nakatakdang mamasukan sa Hong Kong ngayong taon.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]