MATINDING trapik na naman sa EDSA. Nagsimula ito noong Martes, July 12, nang umpisahan maningil ng Skyway3 ng toll fee.
Ang reklamo sa atin ng mga motorista, sobrang mahal naman daw ng P264 na toll para sa Quezon Avenue hanggang Buendia, pareho halos ng presyo ng Nichols-Sta. Rosa eh ang iksi lang naman.
Ang isang 3-kilometer distance na toll sa Skyway3 ay P101, na talaga namang mahal, kasi yung P45 na toll sa airport expressway mga 5-kilometers na yun.
So hindi ma-gets ng taumbayan kung saan nakabase ang rates ng Skyway3.
Ang nakakalungkot pa ay ang mga sagot ng mga tauhan ni Mr. Ramon Ang.
Meron dyan ang sagot “di huwag gamitin kung ayaw ninyo magbayad.” Yung iba naman “kaya niyo mag-kotse wala kayong pang-toll?”
Pero sa totoo lang ang highway ay isang public utility at kung ito ay lalagyan ng toll ay dapat naka-rata sa kayang bayaran ng nakararami sa taumbayan.
Hindi para sa mga mayayaman lang ang kalye, kahit ito pa ay toll road.
Besides, kung i-compute natin ang gastusin araw-araw sa toll fee, nakakalula ang halaga nito.
At P264 one way or P528 roundtrip, aabot ito sa P10,560 a month sa isang nagtatrabaho ng 5-days a week.
Mga bossing, pambayad na ito sa kuryente, tubig, telepono, cable TV, at Internet ng isang ordinaryong motorista.
Aba eh, mas malaki pa ang gastos sa toll fee kada buwan kesa sa gasolina ko kahit na naiipit ako sa trapik.
Kung ang ipinagmamalaki ng Skyway3 ay ang savings na makukuha ng motorista sa oras, gasolina at stress, mga bossing, mas stressful po maghanap ng dagdag na P10,560 kada buwan pandagdag sa budget nila. Hindi po aabot ng 10,000 ang savings ko kada buwan sa gas at oras, pramis!
Isa pa, hulog na ng maraming motorista yang P10,000 sa monthly amortization ng kotseng binili nila.
Ngayon kung ang habol ninyo ay ang kikitain para makahabol sa ROI ninyo, o sa hulog ninyo sa inutangan ninyo, medyo sablay ang compute ninyo.
Dahil ngayon ay mahigit sa 3/4ths nang gumagamit dati ng Skyway3 ang bumalik na lang sa EDSA. I am sure ganoon din kalaki ang mawawala sa kikitain ninyo na ikasasakit ng ulo ninyo in the long term.
Dahil mas malaki pa din ang kita pag volume ang benta, kahit medyo mura ang singil.
Baka lang gusto ninyong pagisapan ito.