PANSIN ko lang, habang paulit-ulit na sinasabi ni Marcos Jr na lulutasin ng kanyang administrasyon ang problema ng food poverty o food insecurity, tuloy-tuloy naman ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Hindi na nga accessible dahil kapos ang kinikita, hindi pa affordable dahil nagmamahal.
Hindi nakapagtataka na marami ang Pilipinong nagugutom.
Sobra ngang nakakalungkot, nitong October 15, ginunita natin ang World Food Day na pinangunahan ng United Nations Food and Agriculture Organization.
Kung kelan World Food Day, walang makain ang mga tao.
Sa June 2023 survey ng Social Weather Stations, nadagdagan ang dami ng nagugutom.
Mula siyam sa bawat 100 pamilyang Pilipino noong March, 2023, pag-apak ng June, humigit 10 ang pamilyang nakaramdam ng gutom.
O mula 9.8 percent, umakyat sa 10.4 percent ang dami ng nagutom na pamilya.
At sa Global Hunger Index, pang-66 ang Pilipinas sa 125 bansa at sa score na 14.8 nakararanas tayo ng moderate o katamtaman na gutom.
Sa Pilipinas bottomline na sukatan ng food accessibility at affordability ang staple food na bigas.
For example, ang presyo ng Jasmine rice na binibili ko nung July ng P50 per kilo. Pagpasok ng August hanggang ngayon, pumalo sa P54/kg to P55/kg.
At kung gaano niya kadalas i-emphasize ang target nila na food security, ganun din kadalas ang pangakong hahabulin ang rice smugglers, hoarders at profiteers na nakikipagsabwatan sa rice cartels.
Yan daw ang dahilan kung bakit nag-utos si Marcos Jr ng rice price cap na lifted na.
Ipinatupad ang price cap Sept 5 sa bisa ng Executive Order 39 sa P41/kg para sa regular milled at P45/kg para sa well-milled rice.
Dami ko ngang tanong dyan.
Una, namomonitor ng Departments of Agirculture at Trade and Industry ang bentahan pero parang late nag-price cap kung kelan umabot ng P60/kg to 61/ kg ang presyo?
Saka, ba’t ganun, nag-price cap ka nga pero mataas pa rin?
Then, bakit itinaon sa anihan, hindi ba dehado naman dyan ang magsasaka?
Ganun din ang legit rice retailers na bumili ng mahal at ibebenta sa mas mababang price cap?
Bakit hindi isinama ang premium rice tulad ng Jasmine, at iba pa? (Vested interest ko ito lol!)
Pero higit sa lahat, may nahuli at naparusahan bang rice smugglers, hoarders ar profiteers?
Para lutasin ang problema ng kagutuman, sa bisa naman ng Executive Order 44, inilunsad naman ni Marcos Jr nitong Sunday, October 16 ang “Walang Gutom: Food Stamp Program”.
Tutumbukin daw nito na mabawasan ang kagutuman sa low-income households sa pamimigay ng pera gamit abg Electronic Benefit Transfer Cards na pangungunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Pampalaman-tyan ba ito sa sikmurang kumakalam at pampakalma sa galit ng mamamayan?