HINDI na kakayanin ng mga manggagawa ang inilulutang na magdadagdag ng mga panibagong buwis. Kailangan magdahan-dahan ang mga incoming economic managers ng Marcos administration sa pino-propose sa kanila na magpatupad ng mga panibago at karagdagang buwis.
Said na sa kahirapan ang mga manggagawa lalo na ang mga nakararaming manggagawang sumasahod ng minimum at sumasahod ng mas mababa pa sa minimum wage na mga informal workers. Napakabigat ng pasanin na ng mga kasalukuyang mga buwis at ang mga pambihirang pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin at halaga ng mga serbisyo.
Nariyan ang Value Added Tax, TRAIN at Excise Tax on fuel na binabayad natin tuwing bumibili ng mga pagkain, commodities, gasolina, LPG at iba pa, habang patuloy naman ang pagtaas ng presyo ng halos lahat na kinakain, iniinom, sinusuot at ginagamit natin upang tayo ay mabuhay.
Dahil sa mga ito, pahina nang pahina ang purchasing power ng sahod at paliit nang paliit ang take home pay ng mga mahihirap na manggagawa.
Kung magpapatupad man ng karagdagang buwis, hindi na matatanggap ng mga manggagawa at malamang lalo silang mag-aalboroto sa hirap ng buhay.
Inirekomenda kasi ng outgoing Duterte economic managers sa mga incoming economic managers ng Marcos administration na magdagdag ng buwis upang makalikom ng dagdag na pondo at makabayad sa utang ang susunod na administrasyon ng pamahalaan.
Balewala ang mga wage increase orders na inilabas ng mga wage boards nitong mga nakaraang araw dahil kapiranggot at barya lamang ang mga ito sa harap ng malawak at mataas na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo matapos inaprubahan ng DTI ang kahilingan ng mga negosyante.
Nilusaw rin ang mga wage increases dahil halos tatlong taon ang nakalipas na walang wage increase ang mga manggagawa dahil sa pandemic crisis.
Maaring sigurong magdagdag buwis kung ang panibagong bubuwisan ay ang mga mayayaman kabilang na ang kanilang lifestyle. Dapat buwisan pa ang mga sugal, high-end online transactions at social media activities that generate income or profit.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]