Winner-take-all (The winner takes it all)

DAHIL election season na ngayon [The game is on again], isang kwento ang ating kukwentahin at pag-uukulan ng pansin. Pwede nýo ring kantahin habang binabasa ang pitak na ito.

Ang kanta, este, ang kwento ay tungkol sa kapangyarihan ng Pangulo o Presidente ng ating bansa na iniluluklok sa pamamagitan ng direktang halalan at ang implikasyon nito sa pag monopolyo sa kapangyarihan na may malaking dagok sa prinsipyo ng demokrasya.

Ang isang demokratikong bansa katulad ng Pilipinas ay nabibilang sa isang sistemang multi-party subalit isang presidential form of government. Sa teorya, ang ating Konstitusyon ang pinakamataas na batas at hinahati nito ang poder sa tatlong sangay ng gobyerno—ang ehekutibo na pinamumunuan ng Presidente, ang Kongreso (Senado at Mababang Kapulungan) at Hudikatura na pinamumunuan ng Korte Suprema.

Ngunit ang realidad ay malayo sa itinuturo sa ating mga paaralan dahil ang naging sitwasyon mula ng ratipikahan ang 1987 Constitution ay napupunta na ang sentro ng poder sa Panguluhan.

Ang karera sa pagka-pangulo ng bansa ay tinatawag na natin ngayon na “winner-take-all”—Isang karaniwang lenggwahe sa sugal na kukunin ng nanalo ang lahat ng taya sa pustahan –at ang mga talunan, ayon naman sa kanta ng Swedish pop group ABBA ay; “the loser standing small.”

Ang nakaugalian na konsepto na ito ay karaniwang nananaig sa isang presidential form ng gobyerno at ang mga kalahok ay para bagang umiinog papunta sa gitna na para bang balane dahil sa taglay nitong kapangyarihan. [I was in your arms, thinking I belonged there]

Bakit ko nasabi ang mga ito? Hindi naman maikakaila sa ating lahat na pagkatapos ng eleksyon, ang karaniwang mayorya ng mga political parties ay nagpoporma ng isang coalition sa mababang kapulungan at babangka sa bagong halal na Pangulo upang susugan ang mga polisiya ng ehekutibo kapalit ang kanilang mga pork barrel at mga proyekto. [Beside the victory, that’s our destiny]

Anila, mas sipsip sa gitna mas malaking proyekto sa kanilang mga distrito.

Ayon sa mga eksperto sa political science, ang unwritten rule na ito ay mga mga negatibong konotasyon at nagreresulta o ito ng pagkiling ng isang lider at mga kasapakat nito sa isang mas malawakang korapsyon tungo sa pagiging despotiko o strongman. Ayon sa mga isinusulat ng Western media at mga political scientists karaniwang makikita ito sa mga Pangulo ng Russia, Turkey, Egypt, Belarus at maging sa Pilipinas. Kakaiba sila sa mga bansang pinamumunuan ng isang junta at single party rule.

Maganda ba ang ganitong porma ng gobyerno? Bagama’t sinusunod natin ang porma ng gobyerno ng US, kakaiba ang kabilang sistema dahil bukod sa dalawa lang ang nananaig na political party—ang Democratic Party at ang Republican—Isa pang porma ng kanilang eleksyon ay hindi direktang ibinoboto ng tao ang Presidente nila dahil dumadaan ito sa proseso na nagreresulta ng electoral votes sa kanilang mga States. Halimbawa: Kung mas maraming delegasyon ang Democrats sa Electoral College sa bawat States, ay siguradong sila na ang panalo sa Presidente at Bise-Presidente. [I figured it may sense, building me a fence]

Sa ibang pagkakataon ko na lang muna pagtutuunan ng pansin ang mga indirect form ng gobyerno katulad ng parliamentary form at ang isinusulong ng ilan na Federalism sa ating bansa na parang chopsuey na pinaghalong parliamentary form na nire-represent ng mga grupo ng rehiyon (regional clusters) o federal states.

At dahil nga “winner-take-all” bukod kasi sa pagpili ng mga opisyal ng ehekutibo, ang Pangulo rin ang may kapangyarihan na pumili ng mga miyembro ng Korte Suprema, mga huwes ng Sandiganbayan, Court of Appeals, Court of Tax Appeals at mga mababang korte; at maging ng mga Constitutional Commission tulad ng Ombudsman, Comelec, Civil Service Commission, Commission on Human Rights at Commission on Audit.

Halos lahat ng nabanggit kong mga sangay ng pamahalaan ay hindi na dumadaan sa Kongreso bilang bahagi ng checks and balances na isang mahalagang katangian dapat ng isang tunay na demokrasya, at higit sa lahat, tahimik ang 1987 Constitution sa mga appointment na ito. [But what can I say? Rules must be obeyed]

Samakatwid, ang presidential appointments sa mga korte ay isang kapangyarihan na natatangi lamang sa Pangulo at nagagamit ito ng ehekutibo sa pang-aabuso sa kapangyarihan, at higit sa lahat mapagtakpan ang mga mali nitong gawi. [The judges will decide, the likes of me abide]

Kung mayroon mang mga pagtatangka ang ilan nating Senador (kung meron man) na ayusin ang sistemang ito na nawala na sa kasaysayan, hindi na rin sila makagalaw sa kasalukuyan dahil sa mas madaling kontrolin ang Mababang Kapulungan. Sino nga naman ang magtatangkang gagalaw sa tabakuhan? [Nothing more to say, no more ace to play]

Ayon kasi sa mga political scientists mas establisado at mas malakas kasi ang party-switching o “turcoatism” sa ating “political culture” na para bang normal lang magpalit ang mga pulitiko ng partido kung saan sila mas makikinabang.

At dahil mahina rin ang sistema ng ating edukasyon na nagreresulta ng mas mahina o halos kawalan ng “people empowerment” sa ibaba gawa ng mga establisadong political dynasties sa mga probinsya na siya rin namang nagbunga ng isa pang bulok na prutas—ang mahinang party system. [Spectators of the show, always staying low]

Ang kahinaan na ito ay matagal na nating nararanasan. Kung tutuusin panahon pa ng pananakop ng US nag-ugat ang ganitong kultura sa pulitika. Ito ay mula nang kutsabahin ng US ang mga lokal na political at economic elite sa ating bansa. [Though it’s hurting me, now it’s history]

Kung uulitin mo nga ang winika ni Heneral Antonio Luna, ang unang martir sa kasaysayan ng rebolusyong Pilipino; “Para tayong mga birhen na naniniwala sa pag-ibig ng isang puta!” [But tell me that she kiss, like I used to kiss you]

Sa panahon kasi na mahigit isang taon na tayong nakaratay sa takot sa pandemya dala ng Covid-19, ang monopolyo sa kapangyarihan ay may kasabay na yumayabong; Ito ay ang patuloy na paglakas ng kontrol ng mga elite sa ekonomiya habang patuloy na nalulusaw ang poder ng middle class.

At aking uulitin; Ang monopolyo sa kapangyarihan ay ang pinakamalaking dagok sa tunay na prinsipyo ng demokrasya. [But I was a fool playing by the rules]

Napakanta ka ba habang binabasa ang pitak na ito? [I apologize, if it makes you feel bad]

(note: inilapat ang lyrics matapos magawa ang pitak na ito)


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]