HURTING pero kagigil tuwing nagto-throwback ako ng kwento ni Ads Perez, video editor at presidente ng itinatayong unyon noon ng mga contractual /talent sa ABS-CBN, lalo’t nagkachat kami noong isang gabi.
Kasama si Ads sa Internal Job Market (IJM) ng “Kapamilya” network na database daw ng manpower pooling para pag nangailangan ng tao, doon sila magre-recruit.
Taong 2010, nasa office si Ads at habang nagtatrabaho, nawalan siya ng connection sa gamit nyang computer.
Ayun pala, pinutulan na siya ng account o access sa computer at sinabihan siyang tanggal na siya.
Sinundo siya ng security at inescortan palabas ng compound.
Kasama rin sa tinanggal si Rey Santiago, cameraman ko sa Bandila noong story editor ako. Membership committee chair din siya ng NUJP ABS-CBN Chapter noon.
Kasama ko siya nang gumawa at nagshoot kami ng Special Reports ko tungkol sa climate change, educational system at phenomenon ng street families.
Sa huling bilang ko noon, 137 silang pinagtatanggal.
Dahil sa illegal at sunod-sunod na mass dismissals, pumutok ang welga ng mga manggagawa sa news, production at iba pang upisina.
Nagtayo sila ng kubol sa harap ng ABS-CBN along Sgt. Esguerra Avenue corner Mother Ignacia.
Araw-araw, umiikot ang mga welgista sa paligid ng premises na may dalang placards at ati-atihan na nagtatambol at nagsasayaw para makakuha ng atensyon.
May mga sumuporta at nagbigay ng tulong na Kapamilya artists tulad ni Pokwang na nag-abot ng pera at reporter tulad ni Atom Araullo, na nagdonate ng bigas.
Sa kubol nakilala ko si Ricardo Joy Cajoles, system engineer. Sa asta niya – fierce talaga, titindig sa mga karapatan niya bilang manggagawa till death do us part.
Sa kwentuhan namin, nalaman ko na March 6, 2002 pa lang lumalaban na si Joy para maging regular.
Nagreklamo sila sa DoLE ng kanilang regularization para kontrahin ang sistemang Internal Job Market o IJM dahil tingin nila, ilegal yun, walang ganun, imbento, palusot ng network para forever silang contractual o talent, dahil hindi raw sila empleyado, hindi sila regular, database ng manpower pooling lang daw ang IJM.
Ayun, gets ko na- kaya pala fierce ang project ng tindig ng kuya e dahil noon pa man niloloko na sila.
Sa kaso na regularization, 103 sila na unang nagkaso pero nabawasan dahil: 1. may pumanaw na isa; 2. lima ang hindi nakapirma sa reklamo dahil nasa abroad; 3. lima ang nagresign at piniling kunin ang separation benefits; at 4. dalawa ang hindi nakaabot sa pagpirma sa reklamo.
Ang ending, 90 silang naiwan at fighting.
Sa concurring opinion ni Justice Marvic Leonen, umabot ang kwenta nila sa 135 nagkaso at 95 ang nagpatuloy sa regularization case.
Habang naka-pending ang desisyon, inabutan na nga sila. ng tanggalan o mass dismissal mula June, 2010.
Bagsak ang kabuhayan ng mga tao at dinurog ang kanilang pagkatao. Lalo na sila Joy dahil doble dagok ang naranasan nila – contractual na nga, tinanggal pa.
Kahit sinong empleyado ay magwawala sa galit. Mapapa-WTF ka na lang.
Ang National Union of Journalists of the Philippines, aktibong tumulong sa paraang kaya ng powers – kasama sa mga roving strike, protesta sa kalsada, dialog sa DoLE, mass troop sa bahay ni PNoy sa Times St, naglabas ng statement at press release at international campaign for support lalo na International Federation of Journalists o IFJ na affiliate ang NUJP.
Bilang chair ng Commission on Labor and Welfare ng NUJP, umuupo ako sa meeting ng mga lumalabang katrabaho para sa mga plano, konsultasyon sa lawyers at labor federations at alliance work para dumami pa ang suporta.
Humingi kami ng dialog sa management ng dalawang beses pero hindi pinagbigyan at sinabing ang pusisyong inilabas nila sa media ang kanilang sagot.
Naalala ko, nakasabay pa kami sa malaking kilos at dialog ng pinakamalalaking unyon ng mga higanteng korporasyon sa Pilipinas noon – Philippine Airlines, Hanjin, PLDT, Nestle, Meralco, at iba pa kay then Department of Labor Secretary Rosalinda Baldoz.
Pinasingit kami ng malalaking unyon.
Ayun- nang nakaharap namin si Sec Baldoz, mas maingay pa kami kesa sa mga talagang ka-dialog niya at nangako siya na iko-consolidate lahat ng kaso para isahang desisyunan na lang.
Impeyrnes, ganun nga nangyari. Walong petisyon ang kinonsolidate:
Dalawang major decisions ang ibinaba – isa para sa regularization at isa para sa illegal dismissal.
In short, nanalo sa parehong mga kaso. Uma-average sa limang taon ang tagal sa trabaho ng mga nagkasong talent.
Kinilala ng korte ang IJM work pool pero nilinaw nito na work pool dapat ito ng regular employees at hindi ng independent contractors.
Nung November 2021 naglabas ng notice ang Supreme Court – “Deny with Finality” ang motions for reconsideration at partial reconsideration ng ABS-CBN sa mga kaso.
After 20 long years at mga sakripisyo, wagi sina Joy at mga nagkaso.
Entry of judgement ang susunod na gagawin para maging official records ang decisions at ma-enforce ito lalo na ang pagkubra ng back wages at compensation.
Babalik ito sa lower courts para kwentahin ang eksaktong babayaran sa bawat isa.
Ang pangmatagalang pakinabang ng kanilang panalo ay magagamit na ang mga desisyon sa mga kaso ng contractualization at illegal dismissal.
Sa mga basher na galit sa ABS-CBN, malinaw ang pagsusuri at paninindigan ko at ng NUJP:
Tutol at nilalabanan namin ang pagkakaroon ng talent system, pero tutol at nilalabanan din namin ang pagharang sa inaplayang franchise renewal ng ABS-CBN.
Nanalo nga sa kaso, may reinstatement pero dahil mapaghiganti ang presidente at minions, pinasara na ang istasyon – ano pa ang babalikang trabaho?
Ang una ay labor violations – contractualization at illegal dismissal.
Ang pangalawa ay pagsupil sa press freedom.
Ang nagdedesisyon sa labor laws violations ay Department of Labor.
Ang nag-aapruba ng broadcast franchise ay Kongreso.
Magkaibang mga kaso, magkaibang ahensya o sangay ng gobyerno ang tumutugon.
Alalahanin natin na gobyerno ang biggest employer ng contractuals sa Pilipinas tulad ng casuals, job orders.
Ang gobyerno na unang dapat na nagpapatupad ng Labor Code ang mismong number one violator nito – mula kay Marcos, Cory Aquino, Fidel Ramos, Erap Estrada, Gloria Arroyo, Noynoy Aquino hanggang kay Duterte.
Lahat sila as in lahat, ay guilty sa pag-iral ng contractualization, guilty sa pagkampi sa mga kapitalista, guilty sa pagsasamantala ng mga manggagawa.
Ngayong mag-e-EDSA People Power Anniversary, mahalagang tumatak sa isipan natin – si Marcos ang unang naglabas ng batas sa contractualization nang isama niya ito sa Labor Code noong 1974 sa pamamagitan ng Presidential Decree 442 na si Marcos mismo ang pumirma.
Ginamit lang ng mga mambabatas ang labor cases at contractualization para pagalitin pa lalo ang taumbayan sa Kapamilya network at makakuha ng mga kakamping hindi nag-iisip.
Dikta yan ni Duterte na pikon at nagtatanim ng galit sa mga kritisismo ng media dahil may mga karumal-dumal na krimen tulad ng extra-judicial killings bunga ng tokhang operations, at iba pa.
Nagpasimula ang NUJP ng Black Friday protests laban sa pananagasa sa press freedom tulad ng franchise disapproval ng ABS-CBN, panggigipit sa Rappler rat Inquirer at ang patuloy na journalist killings na umabot na sa 22 sa panahon ni PDuts.
Ganyan ang hirap ng laban naming mga mamamahayag:
Sa loob ng newsroom, nilalabanan namin ang kawalan ng seguridad at benepisyo sa trabaho, ang pagiging talent, ang contractualization.
Sa labas ng newsroom nillabanan namin ang panunupil ng gobyerno sa malayang pamamahayag.
Iba pang laban kapag nagko-cover ng gyera, kalamidad, pandemic at iba pa dahil buhay at kalusugan ang nakasalang, lalo na sa mga reporter. Death-defying ito, lol!
Si Ads may planong bumalik sa ABS-CBN pero si Ric, aaralin pa. Si Rey naman nasa Doha, Qatar pa rin at nagka-cameraman doon.
Hitik sa aral ang pakikibaka naming mga manggagawa sa media, lalo na sa laban ng manggagawang Pilipino.
Sina Ads, Joy, Rey at daan-daan pang kasamahan namin sa industriya na lumaban at nanalo, tulad ng mga myembro ng Talents Association of GMA 7 at mga unyon ng Kapuso, Kapatid at Kapamilya networks, ang mga modelo ng lumalaban na manggagawang Pilipino.
Sila ang mga buhay na lodi namin, kahit pa meron sa kanila ang panig sa tiranikong si Duterte at iboboto ang manlolokong si Marcos Jr, lol!
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]