OF COURSE, hindi ito problema ng mga may sasakyan.
Oh wait, sino ang maysabing hindi?
Gaya ng ibang national problems na nagpapabagal sa takbo ng buhay, komersyo, produksiyon, empleyo at kapaligiran, ang problema sa transportasyon ay suking usapin sa mga round-table discussions (RTDs) at maging ng ordinaryong maritess at tolits. (Ano nga ba yung tolits, haha).
Hindi lamang ang kalunos-lunos na trapiko na kumakain ng mahabang oras para sa average Pinoy at nagdudulot ng panganib sa kanilang kalusugan dahil sa stress ang usaping transportasyon. Tumutukoy din ito sa mga mali at anti-poor na polisiya laban sa mga mananakay na lalong nagpapabigat ng kanilang sitwasyon sa lipunan.
Nagturuan kamakailan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) tungkol sa tinatawag na window-hour scheme na kung saan ang mga provincial bus ay pinapayagang gamitin ang kanilang mga pribadong terminal, na matatagpuan sa loob ng kalakhang Maynila, mula alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling-araw.
Sa labas ng naturang window hours, o mula ikaapat ng madaling araw hanggang alas-9 ng gabi, ang mga provincial bus ay kinakailangang magtungo sa Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX) para sa Mimaropa, Bicol at Calabarzon; North Luzon Express Terminal (NLET) para sa Regions 1,2, 3 at CAR; at Santa Rosa Integrated Terminal (SRIT) para sa Visayas at Mindanao.
Bilang tugon sa naturang kautusan o polisiya ng dalawang ahensiya, nilimitahan ng mga provincial bus operators ang kanilang mga byahe sa sakop na window hours.
Nagresulta ang kautusang ito sa pagkakaantala ng byahe ng maraming pasahero, na hindi na kinayang humabol sa kanilang mga pasok sa trabaho dahil sa kawalan ng masasakyan.
Sa gitna ng sisihan ng dalawang ahensiya, ang naipit ay mga pasaherong napilitang maghintay ng masasakyan sa loob ng sampung oras, habang ang iba ay “naholdap in broad daylight” ng mga oportunistang private transporters na tumaga ng pamasahe sa kanila, na kanilang pinatos dahil sa desperasyong makauwi na lamang.
Wala rin namang opsyon na ibinigay ang nagbabangayang dalawang ahensiya upang mailigtas o mairaos pansamantala ang kalagayan ng mga stranded commuters. Wala, walang gameplan gaya ng libreng sakay sa panahong ito ang kinakailangan.
Natural na ulanin ng kritisismo ang mga ahensiya, na imbes akuin ang kakulangan sa di nabusising implementasyon ng polisiya, ay sinisi pa ang mga operators ng provincial bus dahil mali umano ang intindi ng mga ito sa naturang kautusan. Ang isang opisyal, nagbanta pang hindi na niya ipa-facilitate ang meeting ng mga bus operators at ahensiya para maresolba ang problema.
Ang LTFRB, inatasan ang provincial bus operators at inisyuhan ng show-cause order dahil sa hindi pagpasada noong Abril 20, na nagdulot ng mabigat na buildup ng stranded commuters.
Upang bumawi sa publiko, nagsimulang mag-alok ng libreng sakay ang ahensya mula NLET hanggang Cubao. Iyon nga lamang, marami na ang naperwisyo noong unang itulak ang kautusan.
Hindi kailanman naging episyente ang transport system ng bansa. Sablay ang madalas na mga ipinapatupad na polisiya. Hindi masusing pinag-aralan. Hindi tinesting bago ipatupad.
Ito ang problema sa window-hour policy na basta na lamang inilabas. Ang kakulangan ng pag uusap o public hearing kasama ang ibang stakeholders, particular ang mga grupong nagrerepresent ng transport sector. Hindi nakita ang disadvantage ng naturang polisiya, kung kaya hindi napaghandaan ang palpak na resulta nito.
Kailangan ng pamahalaan ng komprehensibong plano na tunay na magpapabago sa bulok na sistema ng transportasyon. Sitenta (70%) porsyento ng mga tao sa kalakhang Maynila ay nakaasa sa public transport.
Malaki ang ibinubuhos na taxpayers’ money para sa mga ahensiyang may kinalaman sa transport. Ang mahirap maunawaan, kung bakit patuloy na maraming polisiyang sablay gaya ng window hour policy, color-coding, etsetera — ang ipinapatupad sa kabila ng katotohanan na ang mga ito ay hindi epektibo.
Baka kailangan ng cleansing o re-education ng mga tao sa ahensya? Ramdam kaya ng mga opisyales ng LTFRB at MMDA o ng DOTC sa pangkalahatan ang totoong kalagayan ng mga mananakay?
Maraming magagandang polisya na dapat ipatupad ngunit hindi ginagawa. Halimbawa ay ang car moratorium. Bawasan ang private vehicles sa EDSA. Nasa 402,000 mga sasakyan ang dumadaan dito araw araw kahit ayon sa mga eksperto ay nasa 288,000 mga sasakyan lamang ang kapasidad nito. Gaano karami dito ang private vehicles?
Dagdagan ang tanggap sa prangkisa para sa mga public transport applications. Mas kailangan ang public transport kaysa private vehicles. Turuan ang maraming kotse na magsakripisyo.
Higit sa lahat, tuluyang panagutin ang mga bribe-taking transport officials.
And so on and so forth.
Nasa kamay ng susunod na mamumuno ng bansa kung paano itutuwid ang bali-balikong mga polisiyang pang-transport. Totoong decongestion sa trapiko at pro-commuter policies sana ang mamayani.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]