Nanghataw ng baseball bat sa senior nagsori: ‘Mahal na mahal kita tatay Julian’

HUMINGI ng tawad ang motorista na dalawang beses hinataw ng baseball bat ang senior citizen bunsod ng away-trapiko sa Pasay City.

Sa Facebook post, sinabi ni Gerson Dave Gonzales na sasagutin niya ang mga gastusin sa pagpapagamot ng biktimang si Julian Adlao Jr.

Giit ni Gonzales, nadala lang siya ng bugso ng kanyang damdamin kaya niya nahambalos ng baseball bat ang matanda.

“I’M SORRY TATAY JULIAN. PATAWARIN MO AKO. PASENSYA NA PO SA PANGYAYARI AT NADALA AKO NG EMOSYON KO,” aniya.

“LUBOS KONG PINAGSISISIHAN ANG AKING NAGAWA. AKO NA PO ANG BAHALA SA LAHAT NG GASTUSIN NG PAGPAPAGAMOT MO,” dagdag pa niya.

May hiling naman siya sa mga netizens na nakapanood ng viral video kung paano niya saktan si Adlao.

“TO MY BASHERS, WAG NA PO SANA NATIN PALAKIHIN ANG LAHAT NG ITO.. MAG UUSAP KAMI ULIT NI TATAY JULIAN,” aniya pa.

Sa hiwalay na post, ibinagi ni Gonzales ang picture kung saan napatawad na umano siya ng matanda.

“MAHAL NA MAHAL KITA TATAY JULIAN.

PINAGSISISIHAN KO NA ANG NAGAWA KO SAYO. I’M SO SORRY. SALAMAT SA PAG YAKAP TATAY JULIAN,” sabi niya.

Bago ito, kumalat ang video ng pananakit ni Gonzales kay Adlao sa isang kalsada sa Pasay City.

Agad namang nagreklamo sa pulisya ang biktima.

Kwento ng matanda: “Nagmomotor ako tas busina ng busina lang ako eh nagagalit siya. Eh huminto ako, tinanong ko siya ano ba problema sayo natratraffic. Nanghingi ako pasensya bumaba siya ng palo. Dalawang beses na palo.”

Nagtamo ng mga sugat sa kaliwang tuhod at kanang paa ang matanda na napahiga sa kalsada nang hambalusin ni Gonzales.