NAKALULUNGKOT ang nangyayari ngayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil sa hindi pa man nagtatagal sa panunungkulan, kaliwa’t kanang problema na kaagad ang kinakaharap ng kanyang administrasyon.
Ang nakaugaliang 100-day ‘honeymoon’ period na ibinibigay sa isang bagong pangulo ay hindi nangyari, at sa halip sunod-sunod na batikos ang tinanggap ni Bongbong bunga na rin ng kapalpakan ng mga taong kanyang itinalaga sa iba’t ibang departamento.
Kung tutuusin, sa Oktubre 8 pa sana ang huling araw ng ‘honeymoon’ period ni Bongbong na nanumpa bilang pangulo noong Hunyo 30 sa isinagawang inagurasyon sa National Museum sa Maynila.
Sa panimula pa lamang ng panunungkulan, mabilis na sinalubong si Bongbong ng kontrobersiya lalu na sa pagkakahirang kay Christopher Pastrana bilang GM ng Philipppine Ports Authority at kay Raphael Lotilla bilang secretary ng Department of Energy.
Inakala ng marami na wala nang problema si Bongbong matapos ang gulo sa PPA at DOE, pero bigla na lamang sumambulat ang tinatawag na ‘sugar importation scandal’ na hanggang ngayon ay patuloy na bumubulabog sa pangulo.
At hindi lamang mga opisyal ng SRA at DA ang kasalukuyang nasa gitna ng iskandalo kundi pati na rin si Executive Secretary Vic Rodriguez na muling ipatatawag ng Senado para linawin kung may kinalaman siya sa Sugar Order No. 4 o ang tangkang pag-angkat ng 300 metric tons ng asukal.
Kabilang din sa kontrobersiya ng administrasyon ni Bongbong ay ang gulo na nilikha ng educational cash aid sa mga mahihirap na mag-aaral na ibinibigay ng Department of Social Welfare and Development at ang walang kamatayang smuggling na nangyayari sa Bureau of Customs.
Kung titingnan mabuti, mahirap talagang palampasin ng mga kritiko ang gulo na pinasok ng mga tauhan ni Bongbong, at lalung mahirap na sabihing hindi na muna dapat batikusin ang mga pagkakamali ng gobyerno dahil nasa ‘honeymoon’ period pa ang pangulo.
At sa bawat sablay na gagawin ng mga bagong naninilbihan sa pamahalaan, tiyak si Bongbong ang mapuputukan ng sisi ng taongbayan.
Kaya nga, dapat talagang maging maingat ang mga nakapalibot kay Bongbong lalu na ang mga nasa sensitibong posisyon tulad ni Vic na ngayon ay nahaharap sa napakaraming problema at kontrobersiya na kailangang lutasin.
Mahaba pa ang giyera na papasukin ng administrasyon ni Bongbong, at mukhang nakatuon kay Vic ang banat na siguradong ang pangulo ang tatamaan. Hindi lang mga pulitiko ang may galit at sama ng loob sa executive secretary kundi pati ang ilang malalaking negosyante.
Payo lang natin, maging matatag at bantayan ang inaasahan pang mga atake ng mga kalaban lalu na ang upak na gagawin ni Senator Imee Marcos na matagal nang nanggigigil kay Vic.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]