Ginang grinipuhan ng lasing na anak

HINA-HUNTING na ng pulisya ang 38-anyos na lalaki na pinagsasaksak ang sariling ina dahil umano sa kalasingan nitong Linggo sa Naga City.

Nasa maayos na kalagayan na ang biktima, 67, na ginagamot sa Bicol Medical Center. Nagtamo ito ng anim na saksak sa kamay at katawan.

Lumabas sa pagsisiyasat na kinumpronta ng suspek, na noon ay galing sa inuman, ang ina bago dumampot ng kitchen knife at tinarakan ito nang paulit-ulit.

Tumakas ang suspek matapos ang krimen habang agad na nadala ang biktima sa pagamutan.

Hindi na sinabi sa ulat ang ugat ng galit ng suspek.

Sinabi naman ng mga kapamilya na maliban sa pag-inom ng alak, lulong din sa droga ang suspek.

Ayon sa kapatid, ilang beses nang sinaktan ng suspek ang kanilang ina kaya dapat na itong makulong.