KALMA lang.
Walang mangyayaring kudeta o imminent overthrow kay Marcos Jr.
Or at least, hindi pa mangyayari.
Pero yan ay kung mahusay na masasawata o mababalanse ni Marcos Jr. ang mga grupo-grupo na sumuporta sa kanya nung eleksyon, militar at pulisya.
At masosolusyunan nya ang kahirapan, katiwalian, unemployment, mahal na presyo ng nga bilihin, gas, kuryente at tubig, nagpapatuloy na extrajudicial killings, territorial aggression ng China.
Kaya mga bes, best pa rin ang maging maalam sa mga nangyayari sa paligid.
Tulad nyan, pitong buwan pa lang si Marcos Jr. sa gobyerno at for the first time, umugong na ang banta ng coup d’etat.
May mga major major kasing galawan si Marcos na nakakabigla na, nakakaintriga pa.
For the first time kasi, tinanggal ni Marcos Jr. ang kauna-unahan niyang chief of staff ng Armed Forces of the Philippines na si Lt. Gen. Bartolome Bacarro NANG WALANG PALIWANAG.
Sa pagkakaalam ko, si Bacarro sana ang unang makikinabang sa bagong batas na ginawang tatlong taon na fixed term ng sinumang itatalagang AFP Chief.
Ibig sabihin, hanggang sa August 2025 pa dapat AFP Chief si Bacarro pero ano ang pumasok sa kokote ni Jr at inalis siya sa pwesto.
Tapos ipinalit si Lt. Gen. Andres Centino na naging AFP Chief ni Digong Duterte.
Nung August last year, pagkabalik sa Palasyo ay inalis ni Marcos Jr si Centino at ipinusisyon si Bacarro.
Tapos ngayon ibinalik ulit si Centino maski may mahigit 10 senior officers na pwedeng pagpilian.
Sigurado, may ikinagalit o ikinatakot si Marcos Jr at kinailangan niyang tanggalin si Bacarro.
Sobrang tiwala naman niya kay Centino at ibinalik pa niya sa pwesto kapalit ni Bacarro.
Pero tinanggal niya sa pwesto si Bacarro nang walang sinabing dahilan maski hanggang 2025 pa siya dapat manungkulan.
Natural magduda ang mga sundalo kay Marcos Jr, sa kanyang motibo at sa mga tao na nasa likod ng pagpapatanggal sa kanya.
Malinaw na hindi kinilala at nilampasan ni Marcos Jr ang batas sa panunungkulan sa serbisyo ng AFP Chief.
Pinanumpa sila na itataguyod at ipagtanggol ang Saligang Batas at mga batas ng bansa pero, dinedma lang ito ng kanilang Commander-in-Chief.
Sensitibong bagay ang pagpapalit ng liderato sa AFP na may kasaysayan ng mga bigong kudeta, katiwalian at mainit sa mga usapin na direkta silang apektado.
Hindi nakapagtataka na uminit ang mga group chat sa social media dahil umiikot ang messages tungkol sa destabilization movement mula sa AFP.
Kasama rin dyan ang PNP Memo na nilalagay ang sitwasyon sa Full Alert dahil sa resignation ng lahat ng personnel ng Department of National Defense o DND.
May pictures din ng mga Armed Personnel Carrier na umaarangkada sa Crame.
Ito’y kahit itinanggi ng AFP at PNP na may destabilization plot.
Nuon ding Sabado, naglabas ng video ang asawa ni Marcos Jr. na si Liza habang nasa PSG Compound.
Itinanggi niyang may kinalaman siya sa mga appointment sa gobyerno tulad sa Intelligence Service of the Armed.
Nagbabala siya sa mga gumagamit ng pangalan niya para malagay sa pwesto sa gobyerno. Sasabihin daw niya sa asawa na wag silang pagbigyan.
At nitong Lunes, nagkaroon ng unang mukha ang balitang resignation sa DND nang ibalita ang pagre-resign ni OIC Jose Faustino Jr.
Pag nasundan ang resignation ni Faustino Jr. nang iba pa, mapapanis si Marites.
Ang major resignation issue ay nagsimula kay dating Executive Secretary Vic Rodriguez noong September.
Kasama ni Marcos Jr si Rodriguez sa halos araw-araw na pangangampanya bilang spokesman niya.
Kaya hindi biro ang investment ni Rodriguez sa sinasabing panalo ni Marcos Jr.
Sobrang malalim ang sugat ng pagdistansya sa kanya ni Marcos Jr. at hindi inalok ng anumang pusisyon.
Ang malala, kinick out din siya pati sa kanilang Partido Federal ng Pilipinas dahil sa disloyalty at appointments sa gobyerno na sangkot si Rodriguez. Balita-balita noon ang appointments-for-sale.
Hanggang ngayon, marami pang pupunuang pwesto sa gobyerno tulad sa Department of Health.
Ayaw ring bitiwan ni Marcos Jr ang concurrent position na kalihim ng Department of Agriculture.
Mula nang naupo siya sa DA, nagsunud-sunod na ang maraming food shortage na iisa ang major major solution na kaya niyang gawin – importation.
Kumikita ba siya sa food imports na yan at hindi na lang niya bitiwan at ipamahala sa mga qualified, competent, efficient at decent.
Kaya nakakabigla rin nang nagvideo ang asawa niyang si Liza Marcos: wala raw siyang kinalaman sa appointments sa ISAFP at sick and tired na raw siya sa mga taong ginagamit ang pangalan niya para magkapwesto sa gobyerno.
Dahil dyan, naging major issue at irritant sa liderato ang appointments sa gobyerno.
Nakaawa at nakakagalit ang mga hangal na ganid sa kapangyarihan at pera, ayun, nag-gagamitan at nag-aaway-away para lumakas pa ang kapangyarihan at lumawak ang impluwensya.
Nakakahiya kayo sa mga kababayan na walang trabaho at sumasalang sa gutom araw-araw.
Dumarami ang cracks sa pagitan ng mga sumusuporta kay Marcos Jr., at nabibisto ng mga tao dahil lang sa agawan sa goverment positions.
Exception to the rule si Secretary Toots Ople ng Department of Migrant Workers.
Sa press conference niya sa Palasyo napanood ko nitong Martes, January 10, marami pa silang kailangan na personnel pero may qualifications silang ilalabas at dadaan ang mga aplikante sa screening process in the spirit of transparency.
Isantabi na raw muna ang padrino system.
Sana narinig nina Marcos Jr. yan at ng mga namimili ng pwesto sa gobyerno.
Good luck sa atin mga Ka-Publiko.