PAG-USAPAN natin ang utang.
Sino sa atin ang walang utang?
Mayaman o mahirap, may utang. Ang kaibahan lang, mas paborable sa mga mayayaman ang may utang. Tumataas ang monetary value nila. Gumaganda ang credit standing nila. Plus point ito sa kanila.
Sa ating nasa middle class at nasa laylayan, ang hirap na nga makautang, pahirapan pa sa requirements.
Sa totoo lang, hindi naman maganda ang may utang.
Pero kung isa kang regular employee na kinakapos sa pang-araw-araw na gastos, ang tanging solusyon ay ang umutang.
Para sa akin, hangga’t maaari, sana ay manatiling utang-free. Yung may natitira sa sahod at hindi nagiging pambayad sa utang. Yun lang kasi, wala namang choice ang iba sa atin.
Napansin ko lang na ang mga banko ngayon ay nag-o-offer ng credit cards sa mga mall o supermarkets at ang tanging requirement ay isang valid government identification card.
Napakadali nang makakuha ngayon ng credit card.
Hindi gaya noong dekada ’90. Bago ka magkaroon ng credit card, magsasagawa ang banko ng credit investigation at titingnan nila ang kakayahan mo na makabayad. Hihingi pa nga sila ng income tax return form bilang patunay na may trabaho ka.
Maging ako ay guilty sa maling paggamit ng credit crad noong kabataan ko, bago ako mag-asawa. Feeling sosyal kada kaskas ng credit card. Feeling ko ang dami kong pera.
Pagdating ng billing statement, kulang pala pambayad ko kaya hanggang sa minimum amount lang ang naibabayad. Tapos, nagiging cycle na, na gagamit uli ng credit card sa lahat ng bibilhin dahil may minimum amount lang naman na kailangang bayaran.
Maling-mali pala ito. Nagiging patong-patong ang kailangang bayaran dahil sa minimum amount na binabayad, halos walang nababawas.
Ganito tayo nalulubog sa utang sa credit card.
Ngayon naman, may pautang na rin ang iba’t ibang online applications gaya ng GCash, Maya, at iba pa. Bagama’t may option na makapag-save, mas napo-promote ang pangungutang.
Kulang sa pambayad sa kuryente, pwede muna umutang. Kulang sa pambili ng kailangan, pwede muna utangin.
Kulang sinahod, umutang muna. Kulang sa pambayad, utang muna.
Nagiging kultura na ang pangungutang.
Mali ito.
Kailangang ng karagdagang edukasyon para mabago ang ganitong mindframe.
Tama lang na isama sa curriculum sa eskwelahan ang pagtuturo ng tamang paghawak sa pera. Sa ganitiong paraan, may bagong henerasyon na alam paano maging masinop, paano mag-ipon, at paano i-invest ang pera.
Sabi nga ng mga financial adviser, gaano man kaliit ang iyong kinikita, ang maayos na paghawak sa pera ang sagot sa pagkawala sa kahirapan.
Matagal bago ko nabayaran ang libong utang ko sa credit noon, pero nagawa ko. Nakinig ako sa mga payo ng mga may alam sa pera.
May credit cards pa rin ako ngayon, ngunit mas wise na ako sa paggamit ngayon.