MARAMI ang bilib sa anak ng isang kilalang pulitiko dahil sa mabilis niyang napaunlad ang negosyong noong una ay marami ang nagsasabi na sa kangkungan lang pupulutin.
Dahil na rin sa impluwensya ng kanyang magulang ay mabilis siyang nakakuha ng mga kontrata sa gobyerno.
Mas lalong ginanahan ang kanyang mga business partner nang lumobo at maging multi-billion industry ang kanilang negosyo.
Hanggang sa mga lalawigan ay kilala na ngayon ang kanyang negosyo na may kinalaman sa enerhiya.
Pero ang negosyo nang ating bida ay nalalagay ngayon sa alanganing sitwasyon.
Nabisto kasi ng ilan sa kanyang mga kasosyo na nagisa sila sa kanilang sariling mantika.
Yung mga lupain daw sa mga lalawigan na kanilang nabili ay ipinangalan pala ni Mr. Businessman sa kanyang dummy company.
Kumbaga ay bumili siya ng mga lupain sa mas murang halaga pero kalaunan ay ibinenta rin niya iyun sa kanilang kumpanya.
Natural na tumubo siya at sinabi ng aking mga spotter na malaki ang kinita ng bida nating negosyante dahil sa kanyang taktika.
Sinabi pa ng kanyang mga kapartner na ibang klase talagang manggulang ang mamang ito na nagmana sa kanyang ama na isa ring dating pulitiko sa Southern Tagalog Region.
Kumpara sa kanyang kapatid na bading mas marami ang humanga noon sa ating bida dahil ipinakita niyang respeto sa kanyang magulang.
Pero iba na ngayon ang tingin sa kanya ng mga business partner na binukulan niya.
Di na kailangan ang clue. Tumingala na lamang kayo at makikita ninyo ang “Langit”.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]