Wag timawa, galaw-galaw nang lumaya

KALAYAAN ba 
kung wikang pambansa’y binuo; 
patuloy na binubuo,
ng mekos-mekos 
ng lenggwaheng banyaga’t katutubo,
at salita ng iba-ibang mga tao?
Minsan nakakabobo.

Fud,  hango sa Ingles
silya, salitang Kastila
bayanihan, Tagalog
kumusta ka, ay Iloko.

Halimbawa’y birit
kahuluga’y tatlo:
pagkanta ng mataas na nota 
pagpapabilis ng takbo ng sasakyan
“pilat sa talukap ng mata” naman sa Iloko. 

Nakasasabaw ng utak
patulong nga sa uwak!

Anyways, ang paki-explain ay Taglish 
Sampolan natin yan.
May Pinoy fandom din ni Billie Eilish 
buong og kabisado ng “Eyelashes” 

Pag ang sosyal nag-walking tour
Kasunod ay let’s make tusok-tusok da fishballs 
Sa toilet na, kanyang next tour.

Ang sabi:
Wikang pambansa’y pagyamanin
palaging gamitin
at palaganapin.

Sa lehislatura, gamit ay Ingles
sa eskwela, Filipino
sa lansangan, lingua franca
pero sa tahanan ay Maranao;
ano nga ba talaga
isip ay nalulusaw. 

Umaandar ang panahon
hirap makaahon
wika nga’y ginagamit
lumalaganap
nagbabago
tayu dyan ay go sago. 

Ang “para sa iyong kaalaman” 
pinaikli sa “FYI” (For your information);

ang tanga,
shunga ang mahirap,
jologs ang pangit,
chaka ang loko lang,
charot at ang nakakatawa ay lol! 
Di ba minsa’y nakabubulol?

Malaya nga ba ang Pilipino kung dila’y lito at di maka-go
o sadyang wika’y alipin lang, ng panahon at pagbabago?

Kalayaan ba ang 2 milyong Team Bahay?
4.5 milyon na sakit ang kakambal 
dahil bubong ay araw at buwan
pader ay init at lamig ng hangin
delubyo’y mabibigo
wala namang bahay na wawasakin.

Kalayaan ba ang 12 milyong pamilyang nahihirapan? 
Susubuan ng P60 bilyong ayudang tinawaran
Nganganga matapos ang isang buwan?

Ano ang kalayaan kung 117,000 
o  isang porsyento lang ng 118 milyo’y
kumikita ng P219,000 
at natitira’y barya-barya na lang na duling?

Hatian sa yaman
dinudugas ng mayayaman
kaya agwat lumalapad, dapat nang pigilan. 

Sa sistemang palaasa
pulitiko’y nagpapasasa
patuloy ang pananagasa
mahihirap nyan ay mag-aalsa.

Lumaya nga ba tayo kina Digong at China
Kung pumalit naman ay sina Marcos at Amerika? 
Ano nga ba ang pinag-iba ng dalawang dyablo sa lupa? 

Red tagging noon 
Red tagging hanggang ngayon.

Tokhang operations, wala na raw
napapatay sa droga, tuloy naman ang alingasaw.

Pagpasasara ng mga POGO, debate pa 
traffickers at espiya, laganap na.

Nagnakaw sa Pharmally
ligtas pa rin

Nagnakaw sa PCSO
sanggang dikit pa rin

Usec at assec, tambak sa DA
ba’t Pinas, top rice importer pa rin?

Nickel mining kay Duterte 
Sinara, binuksan

Nickel mining kay Marcos
Tatlong processing plants
meron nang construction plans?

Kalokohan ng dalawang mokong
mga Pinoy, pinagmumukhang gunggong  

Digong, kumubra ng P13.46 billion intel funds 
Habang si Junior, humirit ng P10 billion intel funds
Palakihan na ba ng bidding?

1991 Subic, Clark military bases, nilusaw
2024, limang EDCA military bases. lumitaw
Alboroto ng China:
Itinabi na sa Taiwan
itinapat pa sa West Philippines Sea
Gyera ba ang hamon? 

Syento por syento garantisado
panunulsol ng Amerika 
sinasakyan 
sumisikat kasi sa laban natin
gyera ba ay sa atin?

Kay Digong noon, “friends to all, enemies to none”
Kay Marcos Jr ngayon, “independent foreign policy”
Sadya bang nakakalurky? 
Sa kanila isisi
pigtas na ang pisi.

Malampaya’y inihandog
kay Dennis Uy, Duterte crony;
ang pumalit naman, 
iniregalo kay Enrique Razon 
na Marcos crony.

Napagtanto nyo na ba
meron bang pinag-iba 
ang dalawang hangal na halal?

Kaya Pinoy umasa sa iisa at sariling kilos
Wag timawa
Galaw-galaw nang lumaya.

Handa, awit: 
Sa himig ng “Bagong Pilipinas!”
Ooops! Ay mali!