Wag naman ganun ate

ISA sa tampok na kaugalian nating mga Pilipino ay ang “bayanihan.”

Dito sa Dubai ramdam na ramdam mo yan – nakapila ka sa isang health clinic, halimbawa, at meron kang hindi naintindihan sa forms na pipirmahan, nandyan ang Pinay na nurse, pagtitiyagaan kang paliwanagan.

Ang ginanda pa niyan ay halos kahit saan dito sa Dubai – ahensya man ng gobyerno o pribadong establisyimento – ay may Pinoy na handang magbigay ng oras para matulungan ka sa mga tanong mo.

Basta tawagin mo lang, “Kabayan…pano ba’to? Kasi ganito e…ganyan…ganun…”

Kumbaga, may preferential treatment kasi magkababayan kayo.

Ngunit meron din naman nananamantala.

Kwento sa akin ng isang kabayang mamamahayag: May isang kasambahay. Nais na nyang umalis sa kanyang amo dahil pinagmamalupitan siya umano. Problema ay pinababayaran sa kanya yung nagastos sa recruiter na, ayon kay ateng kasambahay, ay malaking halaga.

Si ate ay may mga kaibigang kababayan na nalaman ang kanyang sitwasyon.

Samantala, alalang alala na ang mga kamag-anak ni ate sa Pilipinas. Kung kaya’t ibinigay ng mga kaibigan ni ate ang kanyang contact details sa mga taong maaaring makatulong – at nakarating nga iyon kay kuyang mamamahayag na kumontak sa kanya upang alamin ang mga detalye at pagkatapos ay idinulog ito kay Consul General Marford Angeles sa ating embahada sa Abu Dhabi.

Heto na: May tumawag kay ateng kasambahay na taga-embahada. Ininterbyu sya. Masaya naman si kuyang mamamahayag nang sabihin sa kanya ni ate na may kumonek nga sa kanya, ngunit sa halip na pasalamatan si kuya ay nagpabatid pa si ate ng pagkadismaya.

“Sir,” sabi ni ate sa isang PM kay kuya, “may bago na po akong mapapasukan sir.

“Ayaw ko pong umuwi. Single mother po ako. Wala pong magpapakain sa aming mag-iina kung papauwiin ako ng embassy. Bakit mo naman pinarating pa dun?

“Bakit hindi mo muna ako kinausap?”

“Sinabi ko sa iyo na pararatingin natin sa kinauukulan sa embassy di ba?” sagot ni kuyang mamamahayag na nabigla, “para maayos yang problema mo sa amo mo?”

“Hindi po ako nag-oo sa iyo. Alam mo yan,” sagot naman ni ateng kasambahay.

Nag-init ang ulo ni kuya: “Bakit hindi mo sinabi sa akin ang lahat? Sana sinabi mong may malilipatan ka na. Idinulog lang po sa akin ang problema mo at ginawa ko lang iyon para makatulong sa sitwasyon mo. Abala rin po ako sa trabaho.”

Mangyari kasing sa mga kasong ganito ay ikakategoryang “distressed OFW” ng Assistance to Nationals (ATN) section ng ating embahada si ateng kasambahay. Ititira siya pansamantala sa tanggapan ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) habang inaayos ang kaso. May posibilidad na bigyan na lang sya ng return ticket pauwi kung hindi mareresolba nang maayos ang sitwasyon.

Hilong-tuliro si kuyang mamamahayag. Ang umano’y gusto lang palang mangyari ni ate ay mailipat sya sa ibang amo nang hindi nagbabayad ng visa damages sa aalisan niyang amo.

Mabilis na ipina-alam ni kuyang mamamahayag kay Consul General Angeles ang biglang liko ng mga pangyayari, na siya namang gumawa ng kaukulang aksyon.

Ang sabi ng mamahayag sa akin: “Ba’t ganun si ate??”


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]