MAHIGIT isang taon pa ang susunod na eleksiyon, pero pumuporma na ang mga gustong tumakbo sa pagkasenador sa midterm elections sa May 12, 2025.
Maingay na ang kampo ng mga nagpaparamdam na tatakbong muli.
Sinu-sino nga ba silang mga senator-wannabe?
May 20 pangalan ang lumabas na mga posibleng kakandidato sa midterm elections sa May 12, 2025.
Lima rito ang kasalukuyang nakaupo bilang senador.
Apat ang dating senador.
Tatlo ang kasalukuyang kongresista.
Isang laos na artista at isang dating pangulo.
Dalawang kasalukuyang mayor.
Isang pastor na wanted dahil sa salang human trafficking, money laundering, at child abuse.
Isang dating sundalo.
Isang lider ng manggagawa.
At isang magaling na abugado.
Sa 20 personalidad, anim sa kanila ang aking pipiliin.
Ang anim na ito lamang ang aking papangalanan dahil sa aking pananaw ay sila ang karapat-dapat na bigyan ng pagkakataon na maging mambabatas dahil sa kanilang ipinakikitang kagalingan.
Unahin natin si Atty. Chel Diokno. Subok na siya bilang human rights defender. May paninindigan, hindi ibebenta ang prinsipyo.
Ang mga dating senador na sina Bam Aquino at Kiko Pangilinan. Subok na ang kanilang galing sa Senado.
Si Luke Espiritu. Bagamat tumakbo na siya bilang senador noong nakaraang eleksyon, kung tatakbo siyang muli ay isa siya sa aking iboboto. Naninindigan para sa manggagawa.
Pipiliin ko rin sina Arlene Brosas at France Castro. Mga kongresista na pinaglalaban ang karapatan ng mga kababaihan. Magiging plus factor sila sa Senado, kapartner ni Sen. Risa Hontiveros.
Maaari ko ring isama si Makati Mayor Abby Binay, kung pipiliin niyang tumakbo bilang senador.
Bakit sila? At bakit wala akong sinama sa ibang nasa listahan?
Sabihin na nating wala akong bilib sa mga ibang nasa listahan.
Natuto na akong pumili ng mga tao na alam ko ay hindi pansariling interes ng uunahin, bagkus, interes ng taumbayan ang una sa kanilang agenda.
Marahil, may magsasabi sa inyo na ikinakampanya ko sila, gayung malayo pa ang eleksiyon.
Para sa akin po, kahit maaga pa, kailangang kilalanin natin ang mga pipiliing mambabatas.
May ilang nakaupong mambabatas ngayon na wala namang ambag, mema lang.
Para sa ating mga anak, para sa ating ikauunlad.