MARAMI ang nanood ng pelikulang “Rewind,” isa sa mga kasali sa nakaraang Manila Film Festival at siyang tumabo sa takilya.
Sa latest na balita, pumalo na sa P845 milyon ang worldwide total gross ng pelikula ng mag-asawang Dingdong Dantes at Marian Rivera.
Nakuha nito ang pulso ng moviegoers dahil sa tema nitong emosyonal tungkol sa buhay ng tao.
Makatotohanan sa nangyayari sa buhay, contemporary, ika nga. Na lahat ay may katapusan at pansamantala lang ang buhay sa mundo. Na maaring ngayon ay masaya ka, mayaman, sikat at hinahangaan subalit magiging alaala na lamang sa iyong paglisan.
Maari bang irewind o ulitin ang lahat ng nangyari sa buhay, sana nga.
Siguro magiging perpekto na ang lahat. Parang eraser o pambura sa sinulat o drawing para mapaganda ang isang obra.
Kumplikado ang buhay. Napakabilis dahil sa teknolohiya. Napakadali ang komunikasyon sa pagitan ng magkakaibigan o pamilya. Isang pindot sa celphone, maari nang magkausap agad-agad kahit nasa magkakalayong lugar, kahit nasaan mang panig ng mundo. Hindi lang ‘yon, hindi lang boses kundi nagkikita rin kayo.
Gayunman, bihira na ring magkita physically ang magkakapamilya. Napakaraming pinagkakaabalahan sa buhay. May nakapokus sa negosyo o trabaho na parang ang kumita ng pera araw-araw ang layunin sa buhay. Hindi naglalaan ng oras makausap o madalaw ang mahal sa buhay. Puro virtual ang ugnayan.
Nakakalungkot na nagaganap lamang ang reunion kapag may pumanaw na sa pamilya. Mas masaya sana kung ang reunion ay para magkumustahan ang pamilya at patibayin ang relasyon ng magkakamag-anak.
Ayon sa isang post sa Facebook, sa ngayon daw ay hindi na uso ang pagandahan ng bahay, pagandahan ng trabaho o career, kundi ang pasayahan ng pamilya.
Sa mabilis at magulong mundo, ang pamilya ang sandigan, ang laging matatakbuhan sa oras ng pangangailangan. Huwag nating hayaang magkawatak watak ang pamilya dahil sa magkakaibang prinsipyo o naisin sa buhay.
Mahirap mabura ang mga pagkakamali na nangyayari dahil sa pabigla- biglang desisyon at pag-iral ng emosyon. Sana’y pwedeng ulitin ang mga pangyayari upang maging masaya at maganda ang resulta. Magiging maganda ang buhay. Maiiwasan ang pagkasira ng pamilya.
Ang mga masasayang pamilya ang sandigan ng mapayapang lipunan.
Maging masaya, mapagpatawad, iwasto ang pagkakamali, maging tolerant sa maliliit na kamalian, at higit sa lahat maging positibo . Mahalin ang pamilya. Manalangin na humaba ang buhay upang makagawa pa ng magagandang bagay para sa pamilya at lipunan.